Title: Ang mga Anak Dalita
Author: Patricio Mariano
(http://www.gutenberg.ph)
ANG MG̃A ANÁK DÁLITA
(NOBELANG TAGALOG)
SINULAT NI
Patricio Mariano
UNANG PAGKALIMBAG
MAYNILA: 1911
Limbagan at Aklatan ni I.R. Morales
Liwasang Miranda, 11-13, Kiyapo.
--------------------------------------------------------------------------------
ÍNDICE
Pág.
I. Si Teta 7
II. Ang mag-iná 11
III. ¡Gumigiliw! 16
IV. Si Pedro 21
V. Paghabág ng̃ puhunan 24
VI. Walang katubusan 27
VII. Isáng alamát ni Ata 29
VIII. ¡Pangarap! 32
IX. Dalawáng puso 35
X. Ang lihim ni Ata 40
XI. Ang yaman at ang puri 47
XII. Ang mg̃a manggagawa 53
XIII. Sa haráp at sa likód 56
XIV. Ang puso ng̃ dukha 60
XI. Patawad 65
XVI. ¡Paalam! 68
XVII. Katapusan 71
--------------------------------------------------------------------------------
Sa mañga binibining manggagawa.
Sa inyóng may mura at mahinang bisig
na maghapong araw, sa sipag, ay gamit,
sa inyó ko handóg yaríng aking awit,
bilang paghang̃a ko sa pagmamasákit
na inyóng itanggól, sa tulong ng̃ pawis,
ang sariling búhay at tagláy na linis.
--------------------------------------------------------------------------------
Sa bábasa.
Kaibigan ka man ó di kapanalig,
kasuyo ó hindi, kaaway ó kabig,
di ko hiníhing̃ing huwag mong isulit,
sa akin, ang pula na ibig ikapit.
Di ko mawiwikang ipagpaumanhín
ang mali ó lisya na iyong mápansín,
sabihin mong lahát ang ibig bangitín;
may kalayaan ka, di ko sinisiíl.
Di akó gagaya sa ibáng katulad
na hihing̃ing awa ó ipahahayag
na kutád ang isip at bubót ang hagap;
kapós palá'y ¿bakit nang̃ahás sumulat?
Kaya ng̃a't antáy ko ang iyong pasiya
yamang ikáw'y siyang susuri't lalasa;
ng̃uni't ang hilíng ko'y pintás pantás sana
ang iyong gamitin sa mg̃a mábasa.
Di ikasásama nitóng kalooban,
pintasán man itó, ng̃uni't tama lamang;
ang dáramdamín ko'y ikáw ang wikaang:
mangmáng palá'y ibig magdunóng-dunung̃an.
Kaya ng̃a't bago ka magsabi ng̃ hatol
ay magnilay muna, gamitin ang dunong
(kung matalino ka) at saká ipatong
ang wíwikain mong di na mahahabol.
Dapwa't, kung sakali, namáng, ang mangyari'y
dúdulutan akó ng̃ iyóng papuri,......
¡Maraming salamat! (maraming marami)
ng̃uni't nilayin din na lubhang mabuti.
Pagka't ang tawa man, kapág nábulalás
ay hindi na tawa kung hindi halakhák;
labis na puri'y, karaniwang banság,
kung minsan ay tuya't kung minsan ay libák.
ANG KUMATHA.
--------------------------------------------------------------------------------
Páhiná 7
Ang mañga anák dálita.
I.
SI TETA.
Sa isáng tahanang lubhang marálita
na áalang̃án pa sa pang̃alang dampa'y
may isáng babaing yayát at matandá
na wari'y may sakít, kaya't nakahiga.
Sa kaniyang siping, na abót ng̃ kamáy,
ay may isáng mangkók na lugaw ang lamán
at sa dakong paa'y mayroong uupán
na wari'y gawa pa ng̃ amáng si Adán.
Ang tang̃ing kasama ng̃ sangkáp na itó
ay isáng tampipi't isáng baul mundo,
isáng panahian, kaputol na kayo
at ilang balumbón ng̃ sutlang naguló.
Ang lahát ng̃ iyo'y siyáng kayamanan
niyóng maralita't babaing may damdám
kung di mápupuná ang isáng larawan
ng̃ himalang gandá na nasa batalán.
Páhiná 8
Isáng binibining ang tindíg at anyo,
ay nakaáakay sa gawang sumuyo
at ang kanyáng titig na lubhang maamo
ay makabibihag sa alín mang puso.
Yaóng mg̃a pisng̃í, na nagnakaw mandín
ng̃ kulay sa rosa't sa magandáng jazmin,
ay natítimbang̃án ng̃ matáng maitím
na wari'y hahalay sa mg̃a bituín.
Ang isáng makapál at mahabang buhók
na nábabalumbón sa malakíng pusód
ay inalong dagat ang nákakaayos
dahilán sa inam ng̃ pagkakakulót.
Itó ang himalang hindi nábibilang
sa mg̃a nákita na hiyas sa bahay,
kahit masasabing sa kahalagahan
ay siya ang lalong palamuting mahál.
Lalo't kung mabatíd na siya ang anák
ng̃ babaing iyong sa sakít ay lagmák,
at siya ang isáng tang̃ing naghahanap
at nagmamasakit sa buhay na salát.
Siya ang paroon, siya ang parito,
gawa niya yaón, gawá niya itó,
sa maghapong araw, ang mahinang butó,
ay di natitigil ng̃ kahit gaano.
At sa dinádaláng sadyáng kaliksiha'y
kasangkáp na tagláy iyóng kabaitan,
kaya't kahit sinong magíng kapanayám,
ay nang̃awiwili na siya'y pakingán.
Sa unang sandaling ating pagkákita
ay damít ang pigil at siya'y naglabá
at nang makatapos, tinignán ang iná
kung sa pagkáhiga ay nakabang̃on na.
Páhiná 9
Ng̃uni't nang inabot ang ináng may sakít
ay di kumikilos sa hihigáng baníg,
kaya't tinulung̃an, sa gawang pagtindíg,
upang ang pagkain ay huwag lumamíg.
Kanyáng iniupo ang ináng may damdám,
at saká kinuha ang laang linugaw;
—Kumain ka iná—ang wikang tinuran—
ng̃ upáng lumakás ang iyong katawán.
—Ay giliw kong bunso—ang sa ináng turing—
kung tayo'y mayaman, di mo sasapitin
ang hirap na itóng wari'y sapínsapín
na nagpapasasang sa ati'y umiríng.
Kundi bagá gayó'y akóng isáng iná
na dapat tumulong ay nakadagdág pa
sa mg̃a gáwaing iyong dinádalá,
sa paghahagiláp niyong kakanin ta?
Ang tao ng̃a palá, sa mundóng ibabaw,
ay dapat mag-impók ng̃ ukol sa buhay,
pagka't kung humina'y walang pagkukunan ...
"ang hindi nagbaló'y walang tatang̃aran".
At pag sumapit na sa panahóng salát
ay walang suling̃ang dapat maapuhap
at ang nálalabíng kaya niyong palad
ay ang maghinagpís, tumang̃is, umiyak.
Gaya na ng̃a nitóng sa ati'y sumapit,
salát na salát na, akó pa'y may sakít,
at ang kahinaan niyang iyong bisig
na murang mura pa'y siyang kinakatig.
Ikáw, sa maghapo'y walang hintong gawa
at di dumadaíng kahit ka na pata
¿sinong pusong iná ang di maáawa
sa isáng gaya mong labis mag-aruga?
Páhiná 10
—Aanhín mo iná, sa tayo'y mahirap,
—ang maamong sabi ng̃ giliw na anák—
ng̃uni kahit tayo madalás magsalát
ay wala sa atin namáng isusumbát.
Ang tang̃i ko lamang ikinalulumbáy
ay ang di paggalíng ng̃ sakít mo ináng;
kung sa ganáng akin salát ó mayaman
pag nasa piling mo'y ligaya ng̃ tunay.
¿Aanhín ang buhay na lubhang pasasa
kundi mákikita ang iná kong mutya?
¿aanhín ang laging walang ginagawa
kung ikáw iná ko'y dí kinákaling̃a?
Mahang̃a'y ganitóng laging nasasalát
at sa bawa't kilos kitá'y nayayakap;
ang yaman, sa akin, ay hindi ang pilak
kundi ang matamís na iyong pagliyag.
Mawika ang gayón, sa noo'y hinagkán
at saka niyakap ang ináng magulang;
—Itó ang yaman ko—ang muling tinuran—
at itó ang tang̃ing aking kasayahan.
Matapos masunód ang nasang paghalík,
isinakandung̃an ang ináng may sakít.
¡Oh! gayón na lamang ang bukong pag-ibig
at gayón na lamang ang likás na baít.
II.
ANG MAG-INÁ.
¡Giliw ng̃ pag-giliw! Kung ang pagmamahál
ay ipagagawa ng̃ sadyang larawan,
ang anyo at umpók at ayos na lagáy
ng̃ ating mag-iná, ang dapat huwarán.
Mapalad ang dukha na sa kasalatá'y
may kumakaling̃a't dibdíb na hiligán,
sapagka't ang gayóng laging kalayawa'y
hindi mábibilí ng̃ gano mang yaman.
¡Ilán ang may pilak na sa karamdaman
ay wala mang sukat tuming̃í't dumamay!
sakaling mayroon, iyón ay upahán,
¡upaháng pagsuyo'y walang kabuluhán!
Sandali'y lumipas sa pagayóng anyo't
nang nasiyahan na ang sabík na puso,
iná'y pinakain, ng̃ irog na bunso,
sa tulong ng̃ iláng maliit na subo.
Datapwa't sa bagsík niyong kasawiá'y
kumilos ang iná't tasa'y tinamaán
at ang nálalabíng kaunting linugaw
ay tumapong lahát sa silong ng̃ bahay:
Páhiná 12
Sa gayóng nangyari, kapuwa nagitlá
ang dalagang hirang at salantang iná,
itó'y sa dahiláng nababatid niya
na sa kinásidlá'y walang nátitira.
At walang kakanin ang anák na mahál
pagka't walang bigás ó kusíng man lamang
na sukat ibilí ng̃ ikabubuhay
na mailuluto hanggáng sa hapunan.
Si Tetay, gayon dín, pinasukang hapís,
dahil sa nátapon ang lugaw sa sahíg,
gayóng wala siyang ibibilí, kahit,
ng̃ sapát man lamang sa ináng may sakít.
Datapwa't gayón ma'y di nagpahalata,
sa kanyáng kandung̃an, iná'y ibinaba,
dinampót ang mangkók, pinahid ang basa,
at waring lálabas, tung̃o'y sa kusina.
—Mag antáy ka muna at aking kukunin
ang nátirang lugaw—ang wikang mahinhín—
—¿At kukunin mo pa?—ang sa ináng turing—
¿Kung gayón ay anó ang iyong kakanin?
Alám kong kagabí'y di ka naghapunan
at hangáng sa ng̃ayó'y di nag-aagahan,
kundí pa kakain ng̃ pananghalian
¿anó ang daratnín ng̃ iyong katawán?
Hapo sa paggawa, kulang sa pagtulog,
ang sa sarili mo'y hindi inaayos,
kung ikáw'y mapata, ilayó ng̃ Dios,
¿sino ang sa akí'y titing̃ín ng̃ lubós?
Ang sagót ng̃ anák—Ay giliw kong iná,
kung sa ganang aki'y huwag mag-alala.
sapagka't sa kalá'y lubhang marami pa
na makakain ko kung matapos ka na.
Páhiná 13
—Anóng pagkagandáng kasinung̃aling̃an!—
ang wika ng̃ iná sa anák na mahal—
oo't mayroon pa, sakaling balung̃an
ang palyók na tuyó na nasa sa kalán.
Sa gayóng náding̃íg, si Teta'y náng̃iti
pagka't batíd niyang ang iná'y di mali,
ng̃uni't ang hinala ni Ata'y pinawi
sa magandáng sabing nakabibighani.
—Maniwala iná't tunay na mayroón
at di kailang̃an ang siya'y bumalong,
kung sa ganáng aki'y di pa nagugutom
kanya't kukunin ko ang nátira doón.
Upáng sa sakít mo'y hindi makadagdág
iyang kakulang̃án sa kakaning sapát
at kung may malabí, iyon na ay sukat
na itatagál ko sa maghapong singkád.
Masabi ang gayón, kalán ay tinung̃o't
walang itinirá kahit isáng mumo,
ng̃uni't ng̃ makitang kaunting totoó
ang nakuha niya, ang puso'y nanglomó.
Pagka't magtipíd man ang kanyang maysakít,
ang gayóng karami'y kulang at di labis;
dito namighati ang masuyong dibdíb
at luha'y tumulo sa lakí ng̃ sákit.
Papanong di siya lubhang magdáramdam
sa wala ng̃ sukat dapat na asahang
makapagbibigay ó mauutang̃an
ng̃ ipamimilí sa kinabukasan.
Kaya't ng̃ pumasok na dalá ang tasa
ay hindi napigil ang luha sa matá,
datapwa'y sa nasang ilihim sa iná
ay nagpakunwaring siya'y tumatawa.
Páhiná 14
Ang ina'y namangha sa nakitang anyo
ng̃ bugtóng na anák at giliw na bunso:
waring nakang̃iti, luha'y tumutulo,
bibig nakatawa't matá'y namumugto.
—¿Anó ka mayroon?—ang tanóng ni Ata—
¿anó't namumugto iyang mg̃a mata?
¿anó ang hapis mo, bakit di ibadyá?
—ang kay Tetang tugo'y—Walang bagay iná.
Naalala lamang na kungdi ihatid
yaríng aking tahing panyong maliliit
ay wala na tayong sukat ipangtawid
sa loob ng̃ araw ng̃ lingong sasapit.
Kaya't kung ibig mo, ináng ginigiliw,
ay maghinahon na't ikaw ay kumain,
ng̃ upáng matapos ang aking tahii't
aking maihatíd sa ng̃ayón ng̃ayón din.
—Ikáw na anák ko ang siyang humigop
niyang nátitirang nakuha sa palyók
—ang wika ng̃ ináng halos nalulunod
sa lakí ng̃ dusang sa puso'y nagdoop.
Dito na nangyari ang pagpipilitán,
ng̃ bugtóng na anák at sintáng magulang;
aayaw ang isá't ang isá ay ayaw,
na wari'y kapuwa busóg na ng̃ang tunay.
Kahit mapag-aba't matigás na dibdíb
ang sa anyong iyo'y minsang makásilip
ay mahahabág di't pápasukang pilit
niyong pagkaawa sa mag-ináng ibig.
Pagka't ang kaniláng pagpapasunuran
ay buko ng̃ isáng boong pagmamahál,
ang ibig ni Ata'y mabusóg si Tetay
at si Tetay namá'y ang kanyáng magulang.
Páhiná 15
¿Sino ng̃a bang iná ang makababatá
na hindi kumain ang anák na sintá?
ng̃uni't sinong anák ang makakakaya
na makitang gutóm ang giliw na iná?
Kaya't ang nangyari, silá'y nagkásundo
na ang bawa't isá'y tig-iisang subo
doon sa nálabí na pagkaing luto
na kaunting lugaw ina may luhang halo!
Páhiná 16
III.
¡GUMIGILIW!
At ng̃ makatapos, iná'y pinagyama't
saka iniupo sa sadyang luklukan
na kahit sira na'y mayroong hiligán
na nakasasaló sa dakong likurán.
At siya'y lumuklók sa dakong ibaba
upáng bigyang hanggá ang náhintong gawa,
ng̃uni't anóng lakí ng̃ tinamóng mangha
nang ang panahia'y kanyáng mausisa.
Sapagka't sa loob ng̃ kanyáng tahiin
ay may nakatagong kaputol na papel
na hindi mabatíd kung saan nangaling,
kaya't itinanóng sa inang kapiling.
—¿Sino ang may dalá ng̃ sulat na itó?
¿naparito bagá kanina si Pedro?—
—Oo—aní Ata—siyang nakita ko
na tang̃ing gumaláw ng̃ panahian mo.
At saka umalís na tila may lumbáy
sapagka't malungkót niyong magpaalam
at ang idinugtóng sa huling tinura'y
ang bábalík siya sa katanghalian.
Páhiná 17
Ang puso ni Tetay ay halos tumahíp
sa sabi ni Ata na kanyáng nading̃íg,
pagka't hindi niya lubós na maisip
ang pinanggaling̃an ng̃ gayóng ligalig.
¿Anó't ginawa pa ang siya'y sulatan?
¿anó ang sa papelay nápapalamán?
yaó'y talinghaga, kaya ng̃a't binuksán,
upang mapagtanto ang lamán ng̃ liham.
Dátapwa ... ¡Oh lang̃it! Di pa natatapos
sa kanyáng pagbasa, ang luha'y umagos,
at sabáy sa isáng matinding himutók,
mukha'y nápatung̃ó't kamáy pinagduóp.
Si Ata'y nágulat sa gayong nákita
at biglang tinanóng ang anák na sintá.
—Ay iná kong giliw! Anáng pagkapaklá
nitóng kapalarang aking dinadalá!
Akó, inang irog, ay lubhang mapalad
sa gitna ng̃ ating madlang paghihirap
at yaring dibdíb ko'y lubós na panatag
at walang ligalig akóng mátatawag.
Datapwa't aywán ko, aywán ko kung bakit
at di ko mapigil ang paghihinagpís
dahil sa paglayong sa sulat sinambít
ng̃ kapuwa bata't kalaro kong ibig.
Yaríng abáng puso'y nalulunod mandín
sa bayóng malakas nitóng paninimdim,
na sakasakali na tayo'y lisanin
ay baka hindi na muling mákapiling.
Aywán ko kung bakit, ng̃uni't yaríng luha
ay di ko mapigil sa kanyáng pagbaha
at kung gunitaín ang bawa't salita
ng̃ sulat na itó, akó'y nanglálata.
Páhiná 18
At diwang ang aking boong kaluluwa
ay nababalutan ng̃ matinding dusa ...
¿anó kaya itó?—Iyan ay pagsintá—
ang pang̃iting sagót ng̃ giliw na iná.
—¡Oh! pagsintá itó?—Ang tanóng ni Tetay
na tutóp ang dibdíb ng̃ dalawang kamáy,
—Oo, aking anák; iyang pagmamahál
na tinátagláy mo ay pagsintáng tunay.
Iyan ang larawan ng̃ isáng paggiliw
na anák ng̃ iyóng pagirog na lihim;
di mo natatanto pagka't nahihimbing,
sa kapayapaan, ang iyong panimdím.
Ng̃uni't ng̃ magdamdám ng̃ munting gambala,
gaya ng̃ paglayong hindi inakala'y
sumilakbóng agád ang pamamayapa,
at nagpakilala sa sabík na nasa.
Iyan ang nangyari sa bata mong puso
na di nakabatíd ng̃ iba pang suyo
liban sa malambíng at tapát na samo
nitóng iyong ináng matanda na't hapo.
Malaon nang lubhang aking naramdamán
ang inyóng matapát na pagsusuyuan,
ng̃uni't di pinigil, bagkús binayaan
ang binhi ng̃ inyóng sintáng tinatagláy.
Sapagka't alám kong totoong malinis
ang pagsusuyuang inyóng ginagamit ...
—Kung gayón, iná ko—ang kay Tetang sulit—
¿ang unang silakbó ng̃ sintá'y pasakit?
Diyata't hindi na mangyaring mabatyág
ang lasáp ng̃ sintá kungdi sa pahirap?
—Hindi namán gayón—ang sa ináng saad—
kung minsa'y ganyán ng̃a't kung minsa'y malunas:
Páhiná 19
Kung minsan, sa piling ng̃ kapayapaa'y
núnukál ang binhi ng̃ pagmamahalan
at sa pagtatama ng̃ dalawáng simpán,
ang muntíng sandali, ay nagiging tuláy.
Upang ang pagsuyong sabik sa pahayag
ay magpakilala sa irog at liyag
at ang puso namáng nagtimping maluwat
ay magpahalata ng̃ kanyáng pagling̃ap.
Sapagka't ang sintá ay hawig sa puno
na ang binhi niya'y ang ng̃alang pagsuyo
at pinakadilig, nang upáng lumago,
ay ang katamisan ng̃ mg̃a pagsamo.
Kahit na maunlád ang kanyáng paglakí
ay di mahalata nang may daláng kasi,
kungdi matatangki't mapagmunimuni
na may ibáng nasa ang pusong sakbibi.
Nasáng náhahawig sa isáng gunita,
nasa na animo'y uhaw ang kamukha,
ng̃uni't kung suriin ay mahahalata
na ibá ang ayos, at iba ng̃ang sadya.
Sapagka't ang dating iyong pagmamahál
sa ibáng kilalá't mg̃a kaibigan
ay hindi rin iyon ang suyong bubukál
sa isáng pagsintá na bagong dinamdám.
Yaón ay taganás na pagmamasakit,
pagpapaumanhí't pakikikapatíd,
ng̃uni't itóng isá'y damdaming matamís
na may panibugho't madlang pagtitiís.
Ang bawa't salita nitóng nang̃ung̃usap,
sa dibdib ni Teta ay nagpapahirap,
pagka't unti unting kanyáng námamalas
na pawa ng̃ang tunay ang sa ináng saad.
Páhiná 20
Kaya't, ang kaniyáng kamáy, pinagduop,
sa haráp ng̃ iná'y biglang nápaluhód,
at sabáy sa luhang sa matá'y nanagos,
náwikang:—¡Iná ko, akó'y umiirog!
Kung yaring hinagpís nitóng kaluluwa
at pagkabagabag ng̃ damdaming dalá
ay tanda ng̃ aking paggiliw sa kanyá....
¡patawad, iná ko!... akó'y sumisintá!...
—Patawad! ¿at bakit?—ang kay Atang turing,
na lubhang masuyo, sa anák na giliw.
—Pagka't nagawa kong sa iyo'y maglihim
ng̃ damdaming dalá ng̃ puso't panimdím.
Páhiná 21
IV.
SI PEDRO.
Isáng manggagawa, ginoo ng̃ sipag,
mabikas ang tindíg, noo'y aliwalas,
di mayamang suot ay nagpapahayag,
na siya'y matalik na kawal ni "Hirap".
Ang magandáng ting̃i'y nagpapahalata
ng̃ ugaling mahál, kahit marálita,
at ang kanyáng labi'y hindi nagbabala
ng̃ asal na ganid ng̃ mg̃a kuhila.
Itó ang binatang bigláng nakiluhód,
sa harap ni Atang nápagitlá halos,
na sabáy ang sabing:—Salamat, sa loob
na ipinatanaw sa aking pag-irog.
Ang ating dalaga'y nagulumihanan,
pagka't nákilalang silá'y nápakingán
ninyong kapwa-batang kanyáng minámahál
at iniirog pa nang higít sa buhay.
Mukha'y itinung̃o ng̃ ating dalaga
at ayaw isilay ang magandáng matá;
waring nahihiya nang ang lihim niya
ay hindi na lihim sa tunay na sintá.
Páhiná 22
Ang ináng may sakít, na siyang matanda
na nakatataho ng̃ damdaming bata,
ay siyang sumagót ng̃ tugóng payapa
sa pamamagitan ng̃ ganitóng wika:
—Oo, tunay Pedro; ang iyong pag-ibig
ay malaon na ng̃ang may sadyang kapalít
at kahit nangyaring malabis kong batíd
ay hindi humadláng, bagkus nanahimik.
Sapagka't alám kong ang iyong paggiliw
sa sintá kong Teta'y lubhang taimtím
at walang gabahid na ikadudusing
ng̃ tagláy na puring kanyáng inaangkín.
Batíd ko rin namáng sa isáng gaya mo
ay lubhang malayo ang ugaling lilo,
kaya't pinayagang ikáw ang magtamó
sa pusong malinis ng̃ sintáng anák ko.
Datapwa't ang tang̃ing aking dináramdám
ay ang lagáy naming lipos kasalatán
at wala na mandíng mábangít na yaman
liban na sa dagsa nitóng kahirapan.
—Iná ko, sukat na ¿yaman pa'y aanhín
kung isáng biyaya ang magiging akin?
at saka sa kulay ng̃ aking paggiliw
ay di náhahalo ang sa yamang ningníng.
Akó'y inianák sa pagdadalita
at kámpón ni Hirap sapol pagkabata.
musmós pa man halos bísig ko'y pinata
at nagíng kawal na ng̃ haring Paggawa.
Ang tang̃i ko lamang pinakahahanap
ay ang isáng pusong mayaman sa ling̃ap
at ang pusong itó'y aking natatatap
na si Tetay lamang ang siyáng may ing̃at.
Páhiná 23
Datapwa'y gayón man, kahit aking batíd,
na, sa sarili ko, siya'y iniibig
ay hindi ginawang aking ipagsulit,
sa tunay na irog, ang lamán ng̃ dibdíb.
At talagá sanang aking itatago
nang lubhang malalim sa loob ng̃ puso,
at baka sakaling ang kanyáng pagsuyo
ay naidulot na sa ibáng sumamo.
At kungdi nangyaring akíng nápakingán
ang mg̃a salita ng̃ irog kong Tetay,
salitang nagbukás niyong kalang̃itán
sa palad kong aba, di sana nagsaysáy.
—Irog!... Sinung̃aling!—ang wikang banayad
ng̃ ating dalaga—kung akó ay liyag,
¿bakit mo nagawa ang lálayo't sukat,
gaya nang tinuran sa iyong sinulat?
—Iná naming irog; ikáw ang humilíng
sa anák mong sintáng akó'y patawarin.
—Pinatatawad ka, ng̃uni't sásabihin
kung bakit náisip ang kamí'y lisanin.
Kayó'y mang̃agtindíg—ang wika ni Ata
sa ating binata't sa ating dalaga—
kayo'y magsiupo at saka ibadyá
ni Pedro ang sanhi ng̃ pag-alís niya.
--------------------------------------------------------------------------------
Páhiná 24
V.
PAGHABÁG NG̃ PUHUNAN.
Matapos na silá'y makapag-upuan
sa papag na siráng ang paá ay kulang,
binuksán ni Pedro't agad sinimulán
ang sanhing nag-udyók ng̃ kanyáng pagpanaw:
—Akó'y isáng bugtóng ni amá't ni iná
at batíd na ninyóng malaong ulila,
kaya ng̃a't nangyaring kahit hindi kaya
nitóng katawán ko, akó'y nagpaupá.
Gayón na ng̃a lamang ang isáng mahirap,
na walang mag-ampó't sukat na luming̃ap,
dapat ugaliin, ang butó, sa batak
kung ibig mabuhay at huwag masalát.
Bukód pa sa roon, ang taong may dang̃al
ay dapat batakin ang butó't magpagal,
at huwag mabuhay ng̃ hambáhambalang
ó kaya'y umasa sa mg̃a sugalan.
Kahit may salapi't nakaririwasa
kung ang pamumuhay ay pagalagala
at di ginagamit ang butó sa gawa,
ay tinatawag din namáng: hampáslupa.
Páhiná 25
Akó ay naglingkód, na bilang nag-aráw,
sa isáng gawaan ng̃ di kababayan,
ng̃uni't sa pagpasok ay may kasunduang
kung maraming gawa'y may upang katimbang.
Inihalál akóng magíng katiwala
sa isáng pulutóng niyóng manggagawa.
na kagaya ko ring pawang maralita
ng̃uni't lalong salát sa kaya at haka.
¡Mg̃a abang tao! ¿anong sasapitin?
súsunód na lamang sa bawa't sabihin,
kung busabusaang animo alipin
ay wala ng̃ kibó't mababa ang ting̃ín.
Paano'y, ang mangmáng, kahi't may matuwid,
ay umíd ang dila at pipi ang bibig;
laging nananang̃an sa tuntuning lihís
na kabaitan, daw, ang hindi pag-imík.
Sa gayón ng̃ gayó'y nákaugalian
ng̃ nang̃ang̃asiwa ang paglapastang̃an ...
waláng bigong kilos na hindi may tampál,
suntók, sikad, batok, sa munting magkulang.
¡O, gayón na lamang ang pag-alipusta
sa inuupahang mg̃a maralita!
ibayo't ibayo ang dagdág sa gawa
at sa upa namán ay baba ng̃ baba.
Datapwa't ang tao'y hindi makadaíng
pagka't natatakot na silá'y alisín,
dahil sa maraming kahit na gayonín
ay nakikiagáw, dahil sa kakanin.
Sa bawa't umalís na isáng pinasláng
ay sampu ang palít na nag-uunahán,
kahit na mababa ang upang ibigáy
ay tatangapín ding walang agam-agam.
Páhiná 26
Nakikita itó ng̃ lilong mayama't
ikinatutuwa ang pagayóng asal
ng̃ nagpapaupá, kaya't kadalasa'y
malaon mang lingkód ay di tinitingnán.
Sa munting magkulang ang kahi't na sino,
magíng matanda man ó kaya ay bago,
daglíng áalisin at tamád dikono
kahit na ang sanhi'y may sakít ang tao.
Ang ibig mangyari ng̃ namumuhunan
ay ibaibayo ang tubong mákamtán,
dapwa't ang katulong na puhunang pagál
ay huwag magtamó ng̃ milmá man lamang.
¿Paanong di gayón, ay hindi kabalát?
¡ang puhunang dayo ay walang pagling̃ap..!
¿anó kung mamatáy tayo ritong lahát
yumaman lang silá't magbalón ng̃ pilak?
¿Sa kanilá'y anó kung tayo'y masawi,
masasawi bagá ang kanilang lahi?
silá ay dayuha't dayo ang salapi,
kahit makaapí'y walang ng̃iming̃imi.
--------------------------------------------------------------------------------
Páhiná 27
VI.
HIRÁP ANG MAHIRAP.
Ang bagay na itó'y mapaglalabanan
kung ang mangagawa'y mang̃agtútulung̃án,
ng̃uni't hindi gayó't bagkús ang iring̃a'y
siyang naghahari sa mg̃a upahán.
Madalás, na, silá ang nang̃aguudyók
ng̃ upáng ang ibá'y magtamóng pag-ayop;
silá, sa kasama, ang nang̃aglúlubóg
sa nasang maagaw ang sa ibáng sahod.
Ang pusong masakím (ng̃ sahól sa kaya)
ay walang dalahin kungdi ang mamansá
ng̃ madlang pagdusta sa galáw ng̃ ibá
yamang di mangyaring mapantayán niya.
Si Inggit, si Lihim, si Dimapagtapát
ay siyang sambahing laging náuunlák,
samantala namáng sa luha'y násadlák
si Damay, si Tulong, si Ampó't si Ling̃ap.
Walang bigong kilos na hindi kaaway
niyong mangagawa ang kapwa upahán,
na mapagmapurí't dila ang tangulang
ipinangtutulong sa namumuhunan.
Páhiná 28
Sa madaling sabi: di lamang ang lupít
ng̃ lilong salapi ang nakaiinís,
kung hindi sampu pa ng̃ ugaling ganid
ng̃ kaisang uring taksíl sa kapatíd.
Kaya't matatawag na silá ang uway
na laging panggapos sa mg̃a kawayan;
silá ang kapatíd, silá ang kakulay
at siláng silá rin ang nakamamatáy.
Mahalagá't tunay iyong sáwikaíng:
"hiráp ang mahirap sa anomang gawín;
hiráp sa harapán ng̃ umaalipin
at hiráp sa asal ng̃ kasamang taksíl".
Ang bagay na itó'y siyang nangyayari
sa pinapasuka't gawaan kong dati,
kaya't náisip kong makapagsarilí
ó masok sa ibáng hindi mapang-apí.
Sapagka't sa aking mg̃a kasamahán
ay wala ang budhing marunong dumamay,
silá silá na rin ang nag-iinisan
gayóng ang marapat ay ang magtulung̃án.
Sa gayóng pahayag, si Ata'y sumagót
ng̃ payong maraha't salitang malambót,
na anyá'y:—Anák ko, huwag panibulos
sa bigláng sigabó ng̃ bata mong loob.
Kahit anóng gandá sa bigla mong ting̃í'y
huwag na mabulag ang iyong damdamin,
hindi pawang ginto ang nang̃agniningníng,
maná pa'y marami ang magíng kalaín.
«Maging anóng buti ng̃ hindi kilala'y
mahirap timbang̃án kay sa kilala na»
iyong pag-usiging huwag kang mapara
sa isáng nangyari. Ikaw'y manaing̃a:
--------------------------------------------------------------------------------
Páhiná 29
VII.
ISANG ALAMAT NI ATA.
«Sa isáng lupaíng lubhang maligaya
na tapát ng̃ lang̃it na laging masayá'y
may Mutyang sumibol na tang̃i sa gandá
at nakawiwili sa tuming̃íng matá.
Kaya't ang sino mang sa kanyá'y lumapit
ay nabibighaning sumuyo't umibig
at walang matigás, ni bakal na dibdib,
na hindi naakay ng̃ tagláy na dikít.
Siya'y mapayapa at walang ligamgám,
puso'y náhihimbíng at laging tiwasáy,
walang ninanasa kungdi ang mabuhay
na lubhang malaya, sa katahimikan.
Maná isáng araw, na di iniisip,
siya'y linapitan ng̃ Dulóng na ganid,
na tagláy ang nasa at tangkang magahís
ang yaman at gandá ng̃ Mutyang marikít.
Datapwa't ang budhing hindi nang̃ang̃alay
mag-iwi sa isáng boong kalayaan
ay hindi umayon, at sa kalakasan
ng̃ Dulóng ay lakás ang ipinatanáw.
Páhiná 30
Ang mahinhíng asal ay bigláng pinawi,
sa ng̃ipin ay ng̃ipin ang itinungalí,
hanggáng sa mangyaring ang palalong budhi
ng̃ manggagahasa'y nagbago ng̃ uri.
Agad ikinanlóng ang ng̃iping matalas
at ng̃iting magiliw ang ipinamalas,
dinaan sa himok ang hindi pumayag
sa gahasang iwa't pakikipaglamas.
Giliw, suyo, luhog at madlang paraya
ang ipinatanáw sa mahinhíng Mutya
at itó namán ay agad namayapa,
nanalig na lubós, nagboong tiwala.
Tinangáp ang haing mg̃a panunuyo
at hindi nápuna ang handang panghibo,
agád nápalulong ang mahinhíng puso
at di inakalang yaó'y isáng silo.
Ipinaubaya sa madayang giliw
ang lamáng malinis ng̃ boong panimdím;
sinunód na lahát ang bawa't máhilíng
niyong may tagláy na kataksilang lihim.
Sa gayó'y nagdaan ang isáng panahón
na lubhang panatag at walang lingatong,
hanggáng sa nákitang ang hayop na Dulóng
ay nagdating asál; nanila na tulóy.
Dito na nangyari ang kasakitsakit,
na ang dating laya ay siyang tumang̃is
at iyong nang̃ako ng̃ boong pag-ibig
ay siyang halimaw na nagpakaganid.
Daya, lupig, dahás ang namaibabaw
na siyang nápalít sa panuyong asal,
walang bigong-kilos na hindi paghalay,
kutya at pahirap na karumaldumal.
Páhiná 31
Hanggáng sa nagbang̃on ang magandáng Mutya
at nagpang̃arap na ng̃ ikalalaya,
iniwan ang laging pagwawalangdiwa
at ang puting kamáy, sa dugo'y pinigta.
Ng̃unit nagkátaóng noó'y nagkagalít
ang masibang Dulóng at yaóng Limatik
at ang ating Mutya'y sa hulí humilig
dahil sa pag-asang hindi manglulupig.
Nakitulong siya, sa Limatik, noon,
dahil sa pang̃ako nitóng pag-aampón,
dapwa'y nang magahís ang palalong Dulóng
ay lalo pang sákit ang kanyáng kinandong.
Sa madlang pag-asa'y pawang pag-hihirap
ang siyang nápalit: nagipít, nasalát,
ang impók na yama'y nasipsíp na lahát
niyong magdarayáng may taksíl na hang̃ád.
Hanggáng dito yaóng buhay na malungkót
ng̃ Mutyang magandáng di naghunos loob;
humanap ng̃ ibá at ang nákadulóg
ay lalo pang ganid, lalo pang balakyót.»
--------------------------------------------------------------------------------
Páhiná 32
VIII.
¡¡PANG̃ARAP!!
Masabi ang gayón ng̃ nagsasalaysay,
naghintong sandali,
at saka nagwikang lubhang malumanay:
—Huwag ding mangyaring iyong máparahan
ang buhay ng̃ Mutya na aking tinuran.
—Hindi po marahil;—sagót ng̃ binatá—
pagka't hahanapin
ang ikatatagpo ng̃ mg̃a kapuwa
na hindi marunong mag-asal kuhila
at sa kasamahá'y magpapang̃anyaya.
Aking aakiting alisín ang asal
niláng mapagbukód,
at upang sa gayón ay aming makamtáng
mg̃a mangagawa iyong katubusang
sa dating ugali'y hindi mahihintáy.
At hahanapin din ang mámumuhunán
na sa taong dukha
ay hindi marunong umapí't humalay;
aking hahanapin na mabigyáng dang̃ál
ang puhunang pawis ng̃ puhunang yaman.
Páhiná 33
Dahil sa di dapat na pamalagiin
ang ugaling itó
na walang halagá sa salaping sakím
ang pagod na gugol ng̃ matitiising
pusong manggagawa na inaalipin.
Salapi't Paggawa'y dapat na magtimbáng sa
tamuhíng tubo ...
—¿At ikáw, anák ko,—ang tanóng ni Atang—
ang magpupumilit sa dakilang bagay
ang hindi nagawa ng̃ lalong maalam?....
—Aking pipiliti't kung hindi mákamit—
anang bagongtao—
ay di magsisisi, sa gugol na pawis;
ang panúnuntuná'y ang bugtóng na sulit
na: "akó'y tumupád sa ng̃alang maghasík".
Ng̃uní't kung mabatíd ng̃ kahanapbuhay
ang sadyang halagá
ng̃ mg̃a katulong ng̃ isang puhuna'y
di na mangyayari itóng kalagayan
naming mg̃a dukhang wari'y kasangkapan;
Na kukunin lamang kapag gagamitin
at kung masira na'y
itatapontapo't titisúdtisurin,
kaya'y babayaan na iwan at datnín
ng̃ madlang sakuna't akbáy na hilahil.
At ang mg̃a pagod, isip, pawis, puyat
na pawang ginugol
sa ikalalago ng̃ puhunang pilak
ay di magkaroon ng̃ timbáng na bayad
liban sa pag-apí at mg̃a pahirap.
Aking hahanapin ang ikahahang̃o
ng̃ bayang masipag,
Páhiná 34
niyang manggagawang lagi nang siphayo
ng̃ mg̃a may yaman, upáng mapalago
ang ugaling banál ng̃ di mapaglugso.
—Magandáng adhika!—ang putol ni Teta—
—Datapwa't pang̃arap!—
ang saglít ni Atang walang paniwala—
iyá'y mangyayari kung dito'y mawala
ang pag-aagawán, inggita't pagpula.
Matapos ang gayóng mg̃a salitaan
ang ating matanda'y
lumapit sa dating baníg na hihigan,
dalá palibhasa niyong kahinaan,
sa gawang maupo'y hindi makatagál.
--------------------------------------------------------------------------------
Páhiná 35
IX.
DALAWANG PUSO.
Binata't dalaga'y kapuwa naiwan
na magkaagapay sa kináuupán;
kapuwa tahimik, kapuwa alang̃án
at kapuwa mandín nagkakahiyaan,
gayóng magkalapit sa isáng luklukan.
Marahil, sa budhi'y kapuwa may tago
na ibig sabihin, ng̃uni't di mátagpo
kung saan simulán ang usapang wasto
na ikatutung̃o at ikabubunggo.
sa ibig ihayag ng̃ kaniláng puso.
Ang isá at isá'y diwa nag-aantáy
sa pagpapáuná niyong kaagapay;
ang isá at isá'y ibig na magsaysay,
datapwa'y pagsapit ng̃ nasang máturan
sa kaniláng labi'y ng̃ing̃iti na lamang.
Hangáng sa nangyaring ang ng̃iting palihím
ng̃ ating binata'y kay Tetang nápansín ...
—Ng̃uming̃iti ka pa—ang wikang mahinhín
na may magkahalong hinampó at giliw
at diwang ang sintá'y ibig pang sisihin.
Páhiná 36
—¿Bawal ba ang ng̃iti?
—Oo, aking bawal
sa masamang tao.
—Kay dali ba namán
ng̃ aking pagsama!! Kakahapon lamang
ay mabuti akó ... at ng̃ayóng málaman
na minámahál mo'y ... saka pa humalay?
—¿Bakit ka naglihim?
—Pagka't di ko batíd
kung may maáantay ang aking pag-ibig,
at hindi ko nasang abutin ang sákit
na pagkamitín mo ng̃ tugóng mapaít
na mayroon ka nang katipán sa dibdíb.
—Kung nagtapát ka ba'y di sana natanto
kung anó ang lamán nitóng aking puso ...
—¿At kung ang tamuhín ay ang pagkataho
na walang pag-asa ang aking pagsuyo ...
¿hindi lalo ko pang ikasisiphayo?
Hindi mo lang alám ang lakí ng̃ sintá't
ang iniaalay sa isáng kalulwá ...
—¿Hindi ko alám? Bah!...
—Ng̃uni't di kagaya
ng̃ dináramdám ko, niyong di ko taya
na títimbang̃án mo ang giliw kong dalá.
Ang dibdíb ko niyó'y wari isáng dagat
na laging maalo't lubhang mabagabag,
nang̃ang̃amba akóng sa iyo'y naagtapát
at ang tinátamó'y libolibong hirap
kung hindi mangyari ang pagpapahayag.
Sa tuwituwi nang akó'y paparito
ay handang handa nang magtapát sa iyo,
datapwa'y pagsapit, at mákausap mo,
Páhiná 37ay walang wala na ang madlang simpán ko't
walang nalalabí kung di pagkalitó.
Kung nasa haráp mo ay piping mistula
ang nákakabagay ng̃ labi ko't diwa,
ng̃uní't kung wala ka'y sa lahát kong gawa'y
ang iyong larawan ang kasalamuha,
kasanggusangguni at laging gunita.
Kung gabíng malalim at di mákatulog,
magbabang̃on akó't maglílibotlibót ...
ang akala mo ba kitá'y nalilimot?...
sa bawa't suling̃ang lang̃it, daán, sulok,
ang iyong larawan ang nápapanood.
Kung máhimbing namán, sa sandalíng idlíp,
agád agád kitáng mápapanaginip
sa wari'y kausap: kung minsán ay galít
at kung minsán namá'y iyong iniibig ...
at ang boong suyo'y aking kinákamit.
Pag ang una'y siyang sa aki'y sumagi,
kung akó'y magisíng ... ¡kay laking pighati!
ng̃uni't kung ang hulí'y lalong dalamhati
pagka't mákikitang sa isáng sandali....
ang aking ligaya ay biglang napawi.
Kaya't kung nangyaring di ko námalayan
ang tamís ng̃ iyong bukong pagmamahál,
dinalá sana hanggáng sa libing̃an
ang lihim na sintáng aking tinatagláy....
—Kay sama mong tao!
—Inulit na namán!...
—Huwag kang magtangól! Kung iyong dinalá
hang̃ang sa libing̃an ang lihim mong sintá,
¿di pinagtagláy mo ng̃ dálita't dusa
Páhiná 38
itóng sumusuyó't abang kaluluwa
na, kahit di tanto'y, umiirog palá?...
Ikáw ay lalaki't iyong nababatíd
ang maraming anyo ng̃ isáng pag-ibig,
ng̃uni't ang gaya kong pusong matahimik
¿anó ang malay kong ang lamán ng̃ dibdíb
ay isáng paggiliw na abót sa lang̃it?
¿Anó ang malay kong iyong agam-agam
sa maminsanminsáng hindi mo pagdalaw
ay kakulay palá niyong pagmamahál,
at ang pagnanasang mákita ko ikáw
ay isáng pagsintá't pag-irog na tunay?...
Kung takíp-silim na't di ka dumádatíng
ang matá ko'y litó at pasulingsuling;
itinátanóng ko sa sariling akin
kung nasa saan ka, datapwa'y malalim
na buntónghining̃a ang madalás kamtín.
Kung nápupuná kong ikáw ay may sákit
dahil sa mukha mong may larawang hapis,
diwa, ay nasa kong sa iyo'y iibís
ang gayóng pighati, na lason sa dibdíb,
dang̃a't di mahilíng na iyong isulit.
Akó'y kasama mo sa iyong pang̃arap
ó kung nágigisíng akó ang kaharáp,
akó namáng itó, sa lahát ng̃ oras,
ay walang adhika kung di ang matatap
kung may sayá ka ó kaya'y may hirap.
Sa gabíng pagtulog ay nágugulantáng
pagka't, sa wari ko, kitá'y kaagapay;
kung may ginágawa, ay gayón din namán,
sa bawa't lagitlít akala ko'y ikáw
ang siyang lalapit sa aking likurán.
Páhiná 39
Ibig kong mangyaring ang lahát mong lihim
ay aking matanto, tuguná't damdamín;
ng̃uni't kung sumagi sa aking panimdím
na baka sakaling ikáw ay may giliw ...
akó'y nagdurusa't puso'y nalalagím.
Ang lubhang madalás, kung akó'y magdasál
at sa Poong Dios ay nanánawagan,
aking nápupunáng hindi dumadatál
ang dalang̃ing handóg sa ating Maykapál
pagka't ikáw'y siyang dinádalang̃inan.
Ang lahát ng̃ iyon ay hindi ko batíd
na larawan palá ng̃ isáng pag-ibig,
kung di ka sumulat at ipinagsulit
sa akin, ni iná, ang lamán ng̃ dibdíb....
¿di akó'y nátirá sa gawang magtipíd?
¿Di sa pagtang̃is ko sa iyong paglayo
ay di mababatíd na iyó'y pagsuyo?
¿di nangyari sanang ang aba kong puso
ay pinagdusa mo't ipinasiphayo
gayóng walang sala namáng natatanto?
—Patawad Tetay ko! Akin ng̃a ang sala
kaya't inaantáy ang iyong parusa....
—Kay buti-buti mo; ¡parusahan kitá!
¿di pinasakitan ang akin ding sintá,
sákit mo't sákit ko'y hindi ba iisá—
Ang lang̃it ma'y hindi magandáng pang̃arap
at yaó'y sadlakan ng̃ lahát ng̃ lunas
ay hindi titimbáng sa tinamóng galák
ng̃ puso ni Pedro, dahil sa pahayag
ng̃ kaniyang sintáng pinakaliliyag.
--------------------------------------------------------------------------------
Páhiná 40
X.
ANG LIHIM NI ATA.
Malaonlaón pa bago nahanganán
ang gayóng kasaráp na pag-uusapan,
hangáng sa natapos ang tahi ni Tetay
at siya'y nagbihis
nang upang madalá sa paghahatirán
at kanyáng masing̃íl
ang ipamimili ng̃ ikabubuhay.
Kanyáng pinagyaman ang gawang tahii't
kay Pedro'y hining̃i ang siya'y hintaín
upang may magbantáy sa ináng náhimbíng
sa pagkakatulog;
at nang may luming̃ap at sukat tuming̃ín
(samantalang wala)
sa kanyáng may sakít, sakaling mágisáng.
Si Pedro'y naiwa't (Si Tetay sumaglít,
na, sa isáng kamáy, ang baluta'y kipkíp)
ng̃uni't di naglao't si Ata'y nagtindíg
sa kinahihigán,
pagka't hindi tulóg, gaya ng̃ sinambít
ng̃ anák na giliw,
at inantáy lamang na itó'y umalís.
xxxxxxxxxxxxxxxxxxxx
Binata't dalaga'y kapuwa naiwan
na magkaagapay sa kinauupan;
kapuwa tahimik, kapuwa alang̃án
at kapuwa mandin nagkakahiyaan,
gayóng magkalapít sa isáng luklukan.—(Pág. 35)
--------------------------------------------------------------------------------
Páhiná 41
Kaniyang tinikís na silá'y lisanin
upáng mákausap ang binata natin,
dahil sa mula pa nang kanyáng malining
ang pagsisintahan
ng̃ dalawáng pusong pinakagigiliw
ay ibig na niyang
ihayág ang isáng mahalagáng lihim.
Nagbalík sa dating kaniyang luklukan
at ang bagongtao'y pinakiusapang
duming̃íg sandali sa madlang tuturan
na ukol sa lihim
niyong maralita't dukhang kabuhayan
niláng mag-iiná;
bagay na di taho ng̃ taong sino man.
—«Ang bálong si Ata, ang ulilang Teta,
ang babaing hapo, ang magandáng bata,
dalawáng mag-ináng mananahi kapwa;
itó lang ang laging
tang̃ing kasagutang kakamtín sa bala
mong mapagtanung̃áng
kapit-bahay namin.—ang kay Atang wika.—
Datapwa't sino ma'y di nakababatíd
kung saan nangaling nang dito'y sumapit,
at kung anóng bagay ang siyang pumilít
na dito'y tumahán,
at kung anóng buhay na kasakitsakit
ang aming dinaán
kung kaya nangyaring sa dusa'y nagtiís.
Ikáw na kapwa ri't ulilang hinabág
ng̃ palalong yamang sukál sa mahirap,
ikáw na malapit mákaisáng palad
ni Teta kong sintá'y
Páhiná 42
dapat makabatíd kung saan nagbuhat
ang ginigiliw mo;
kung siya ay anó't kung kanino anák:
Akó'y isáng bukong kinandóng ng̃ sang̃á
sa gitna ng̃ madlang ulayaw at sintá;
walang agam-agam, ang puso'y masayá,
walang munting kilos
na hindi kaulóng ang madlang ligaya,
ang madlang pagling̃ap
ng̃ amáng masuyo't mg̃a kakilala.
Datapwa'y sumapit sa giliw kong bayan
ang isáng binatang anák ng̃ mayaman
at doo'y tumirá upang magparaan
ng̃ iláng panahón
sa gawang mang̃aso't mg̃a paglilibáng,
dalá palibhasa
na di kailang̃an ang maghanap buhay.
Siya ay bihasá't ugaling Maynila,
makiyas ang tindíg, mabikas magwika,
walang isáng bangít ng̃ pananalita
na malulusután
nang isáng tukuyi't handugán ng̃ nasa
sa ng̃alang pagsintáng
animo'y larawan ng̃ boong adhika.
¿Anó ang dadatnín ng̃ bata kong puso
sa gayóng katamís na mg̃a pagsamo?...
akó'y nápalulong sa gawang sumuyo
at sa bisig niya'y
linagók ang tamís ng̃ madlang pang̃ako
na di maglililo....
at di babayaang akó'y masiphayo.
Hangáng sa sumapit ang isáng panahóng
Páhiná 43
ang punlang pagsintá namí'y nagkausbóng
at akó'y iniwang sakbibi at kalong
ng̃ mg̃a pang̃ambá:
lipós agam agam, kipkíp ng̃ lingatong,
balót kahihiyán
sa madlang kilalá't sa amáng may ampón.
Nápalaot akó sa maraming hirap,
sa bawa't sandali puso'y alapaap,
wari sa sarili'y batíd na ng̃ lahát
ang kalagayan ko,
at ang aking lihim ay bantóg at kalát
sa boong bayanáng
handa sa pagkutya't diladilang libák.
Ang pakikisama't pakikipanayám
sa kasuyosuyong mg̃a kaibigan
ay napawing lahát, aking iniwasan
sampung makiulóng
sa mg̃a kaanak at madlang pininsan,
dahil sa takot ko,
na baka matanto yaóng kalagayan.
Sa gayón ng̃ gayón, araw ay dumatíng
na di na magawang itago ang lihim,
at sa pagkatakot sa amá kong giliw,
akó ay nagtanan;
dinalá ang munting hiyas at dámitin
upang mahanap ko
ang pinagsanglaán ng̃ puri't panimdím.
Aking pinagsadya nang upáng isamo
na kanyáng ling̃apin ang sariling dugo,
ang bung̃ang malusog ng̃ aming pagsuyo,
ng̃uni't ... ¡ay ng̃ palad!
nang mátagpuán ko ang giliw ng̃ puso
Páhiná 44
ay walang tinamó
kung di ang pagdusta't madlang pagsiphayo:
Akó'y itinabóy sa kanyáng tahanan
at pinagkamít pa ng̃ wikang mahalay.
na, umanó'y, iyong bung̃ang tinátagláy,
ay hindi kaniya,
at akó'y babaing walang karang̃alan,
pagka't sa bala na
ay nakilaguyo't nakipagsintahan.
Kahit isáng mundó ang biglang bumagsák
ay di nakatulíg, sa akin, ang lagpák
nang kagaya niyong salitang masakláp
sa karang̃alan ko;
akó'y bumulagta't ang diwa'y tumakas;
ng̃uni't nang magbalík
yaong pagkatao'y wala na ang sukáb.
Tinulung̃an akó sa gawang magtindíg
ng̃ isáng utusáng may tagláy na tubig,
at saka nang akó ... ¡sa laki ng̃ hapis!
ay namimighati,
sinabi sa aking dapat nang umalís
at doon ay walang
magpapahalagá sa pinag-uusig.
At sabáy sa gayóng wikang walang tuós,
pitong lilimahing pawang gintóng pulós
ang ibiníbigay at iniáabót
sa akin ... Bathala!...
yaón ang halagáng sa akin ay limós
niyong walang budhing
nag-abóy sa palad na kalunoslunos.
Matá ko'y nagdilím; hindi napaghaka
na ang kaharáp ko ay isáng alila,
Páhiná 45aking sinungabán ang salaping handa't
saka inihagis
sa harapan niyóng taong alibugha,
na sabáy ang sabing:
akó'y di babaing walang puri't hiya.
Magmula na noon, akó ay naghanap.
upang ipaglaban ang buhay na salát;
akó ay nanahi hangáng sa nang̃anák
at ang sintáng bunso,
na ng̃ayó'y tangulan sa madla kong hirap,
ay nagíng tao na
at siya'y nagtanáw ng̃ unang liwanag.
Kaya't iyang bukong iyong linalang̃it
ay anák ng̃ isáng mayamang malupít
at itóng kaharáp ay isáng nagkamít
ng̃ ng̃alang buhaghág,
pagka't di nagawang ang puri'y iligpít
at naipaglaban
sa gahasang udyók ng̃ isáng pag-ibig.
Ng̃ayóng talós mo na ang lihim ng̃ buhay
nitóng pinara mong tunay na magulang
at ng̃ayóng talós din ang pinanggaling̃an
ni Teta mong sintá,
ikáw ang magsabi, kung ang pagmamahál
na tinátagláy mo'y
marapat ó hindi magbago ng̃ kulay.»
Sa gayóng tinuran, si Pedro'y nagwika,
na tutóp ang dibdíb—Dang̃a't magagawa
na pagibayuhin ang sintáng alaga,
dapat pong alamíng,
dinagdagán sana, pagka't naunawa
Páhiná 46ang inyóng tiniís
sa laláng ng̃ isáng lalaking kuhila.
¿Sino ang may sala: ang pusong naghandóg
ng̃ isáng matapát at boong pag-irog
ó ang nagkuhila, dumaya't umayop
sa nagkatiwala?
Kung sa ganáng akin, ang dapat mahulog
sa lusak ng̃ kutya'y
ang sa kanyáng dugo'y natutong lumimot.
—Salamat, anák ko,—ang putol ni Atang—
at di ka kagaya ng̃ ibang isipan;
magíng awa, kahit, ang iyong tinuran
ay nagpapahayag
na sa iyong piling ay di sisilayan
ang giliw kong bunso
ng̃ isáng pagdusta sa pinanggaling̃an.
--------------------------------------------------------------------------------
Páhiná 47
XI.
ANG YAMAN AT ANG PURI.
Isang bagong Creso kung sa kayamanan
at isang Atila sa kaugalian,
isang Carlo-Magno sa nauutusan
at Cingong alipin sa pinápasukan.
Walang karang̃alang di nasa kaniya,
ang lahát ay daíg, sa mg̃a pamansá,
walang liniling̃ap na katwirang ibá
liban sa katwiran ng̃ kanyáng bituka.
Wikang kababayan, ay isang salita
na ang kahulugán, sa kanyá, ay bula;
¿kalahi, ay anó? ¿anó kung madusta
may salapi lamang na sukat mápala?
Sa loob ng̃ bahay na pinápasukang
gawaang tabako'y walang pakundang̃an
sa mg̃a mahirap na nang̃ag-aaráw
na kung pagmurahín ay gayón na lamang.
Ng̃uni't kung sa haráp ng̃ namumuhunan
ay piping mistula at mababang asal,
sumagót pa'y waring binibining banál
na hindi marunong magtaás ng̃ tanáw.
Páhiná 48
Itó ang ginoong sa dukha ay hari
datapwa'y alipin niyóng may salapi,
at siya rin namán ang taong mayari
ng̃ mg̃a gawaing kay Teta'y patahi.
Siya'y, nagpagawa sa ating dalaga
ng̃uni't hindi dahil kailang̃an niya,
kung hindi sapagka't ang tagláy na gandá
niyong binibini'y kanyáng pinipita.
Yao'y isáng silo, laláng at pakana
upang maihayag ang tagláy na nasa,
ang nasang mahalay na palaging gawa
sa mg̃a dalagang kanyáng manggagawa.
Kaya't nang mákitang si Teta'y dumating
na dalá sa kamáy ang mg̃a tahiin
ay agad iniwan ang mg̃a kapiling
na mg̃a upaháng sa kanyá'y nádaíng.
At biglang tinapos ang kaniláng usap
sa wikang gahasa na lubhang matigás:
—Kung hindi sang-ayon—aniya—sa awás
sa upa, ay dapat na kayó'y lumayas.
At ang kakulang̃án ninyóng inuusig
ay di mangyayaring bayaran pa, kahit
magsakdál. Sulong na, at baka mag init
pa ang aking ulo, kayó'y máhagupít.
Masabi ang gayón, ay agád iniwan
ang mg̃a kapulong na kanyáng upahán,
at saka tinung̃o ang kinalalagyán
ng̃ ating dalagang di lubhang nag-antáy.
Datapwa'y hindi man nakuhang minasíd
ang pagkakayari ng̃ pagawang damít,
agád inialók ang kanyáng pag-ibig
na wari ay batang matakaw at sabík.
Páhiná 49
Sa wikang malambót ay inisáisá
ang maraming yamang ihahandóg niya
—Tangapín mo lamang inéng yaríng sintá'y
di na kailang̃an ang maghanap ka pa,
—Mahál na ginoo—anáng binibini—
nagkámali ka po sa hain mong kasi,
akó'y maralita't walang yamang iwi,
ng̃uni't di marunong magbilí ng̃ puri.
Ang pag-ibig ko po'y di siyang dahilán
kung kaya nárito sa iyong harapán,
akó'y náparito ng̃ upang mákamtán,
ang sapát na upa sa gawa kong tagláy.
Ipagpatawad po kung di ko matanggáp
ang inihahain na iyong pagliyag,
may kapantáy ka po, ikáw ay humanap,
at huwag habagín ang gaya kong hamak.
—Oo't mangyayari ang iyong tinuran
na akó'y humanap ng̃ aking kapantáy
kung hindi ng̃a sana, ang nálalarawan,
dini sa puso ko'y larawan mo Tetay.
Iyong pag-isipin: ikáw ay magandá,
sa iyo'y di bagay ang maghirap ka pa;
ng̃uni't kung tanggapín ang aking pagsintá
ay masusunód mo ang lahát ng̃ pita.
Ikáw magíng akin, at bukas na bukas,
may bahay kang bató't sarisaring hiyas,
may sasakyán ka pa't hindi maglalakád,
at salaping labis sa gugol mong lahát.
Máding̃íg ang gayón ng̃ ating dalaga'y
nagtindíg sa upo, ang mukha'y namulá,
at biglang naparam sa noong magandá
iyong kaamuang laging dinádalá.
Páhiná 50
—Di ko akalain—ang wikang matigás—
na ikáw'y mámali sa iyong pangmalas;
akala mo yata'y sapagka't mahirap
ay nárarapa na sa ningníng ng̃ pilak?
Akó'y marálita, at kung di gamitin
ang munti kong lakás ay hindi kakain,
datapwa'y libo mang hirap ang danasin,
ang handóg mong sintá'y hindi maaamin.
Di ko kailang̃an ang magandáng hiyas,
ni ang titiraháng bahay na mataás ...
ang buntón ng̃ yama'y pisanin mang lahát ...
walang kabuluhán sa aking pagling̃ap.
¿Ang kataasan ba nitóng batóng bahay
ay tataas kaya sa pulang kakamtán?
¿at ang mg̃a ningníng ng̃ hiyas at yama'y
makatakíp kaya sa puring hahapay?
Kung ang karang̃ala'y hindi mo kilalá't
ang pilak, sa iyo, siyang mahalagá;
unawain mo pong sa aking pangtaya'y
sa salapi't hiyas ang puri ay una.
Sapagka't ang tao, kahit na mayaman,
kapag walang puri'y walang kabuluhán,
¿aanhín ang hiyas, ang pilak, ang bahay
kung akó'y yagít na't yúyurakyurakan?
Mahang̃a'y ganitóng dukha't nasasalát,
may kapuwa tao, kahit mg̃a hamak,
at hindi pasasang baluti ng̃ hiyas
at wala ng̃ linis ang dang̃ál na hawak.
—Mataas mag-wika—
—Talagáng mataas
kapag dinudusta ang isang mahirap
Páhiná 51
na may pagmamahál sa puring ining̃at;
nariyan ang tahi, antáy ko ang bayad.
—¿Ang bayad? kung ikáw sa aki'y iibig
hindi lamang tumbás ang ipakakamít,
datapwa kung hindi, ay ipagkakaít
ang sampu ng̃ upa sa mg̃a náhatíd.
Máding̃íg ang gayón ng̃ ating dalaga
ay halos nanglumó, ang puso, sa dusa,
sapagka't sumagi sa kanyáng alala
na hindi kakain ang salantang iná.
Kaya't namalisbís sa matá ang luha,
at sumabudhi na ang magmakaawa,
ng̃uni,t ang kausap na ma'y maling nasa
ay hindi duming̃ig sa anó mang wika.
Subali't nag-ulól sa pakikiusap
na siya'y ling̃apin sa haing pagliyag,
at sinamahan pa ang balang marahás
ng̃ kapang̃ahasang gahasai't sukat.
Dapwa'y nang dulugín, sa kinátayuán,
ang ating dalagang nag-íisá lamang,
itó'y ay lumayo't ang lilong mayaman
ay pinapagkamít ng̃ mariíng tampál.
—Iyan ang marapat sa isáng kuhila
na di gumagalang sa bawa't mahina
upang matuto kang huwag gumahasa
sa hindi pumayag sa buhóng mong nasa.
Nang masabi iyon ay biglang iniwan
ang nahilóhilóng taksíl na mayaman,
saka nang sumapit sa pinto ng̃ daan
ay muling lining̃ón ang pinangaling̃an.
—Walang budhi—anyá—Taong walang damdám!
Ikaw, kung tawagi'y: mayaman! marang̃al!
Páhiná 52ng̃uni't walang kayang gipití't tambang̃án
kung hindi ang dukhang walang kakayahán.
Iwan natin siya sa kanyáng pag-uwi
na ang nagíng bao'y isáng dalamhati,
at ang unawain ay ang mg̃a sawi
na anák paggawa na namimighati.
--------------------------------------------------------------------------------
Páhiná 53
XII.
ANG MG̃A MANGGAGAWA.
Isáng lingóng singkád na pigta sa pawis
at kinakabaka ang madlang pang̃anib,
kahit nanglalata ang ng̃aláy na bisig
ay di makahinto, at nagsusumakit
na ang pitóng araw'y kanyáng maisulit.
Pagka't alaala ang giliw na anák,
ang sintáng asawa, ang ináng naghirap
ó kaya'y ang madlang kandiling kaanak
na walang timbulan kung di iyóng hanap
na sa pagkain lang ay di pa sasapát.
Di namán mangyari, sa dukhang may dang̃ál,
ang gawang mang-umít sa pinápasukan,
kay ng̃a't ang tang̃ing pinanánang̃ana'y
yaong pinang̃anláng bayad kapagalan
na di halos upa kundi limos lamang.
Sapagka't ang bagay na pang̃anláng bayad,
ay yaóng katimbáng ng̃ puhunang hirap,
datapwa'y ang labí ng̃ sakím na pilak
na hindi marunong humati ng̃ sapát,
ay di nababagay sa upang pag tawag.
Páhiná 54
Iyán ang matimping kampón ni Minerva,
iyán ang may tagláy ng̃ igiginhawa
nitong Sangsinukob; silá, silang silá
ang nagpapayaman, ng̃uni't alimura
nang mg̃a puhunang may gútom buwaya.
Silá ang kaulóng ng̃ Nang̃ang̃asiwa
ng̃ itó'y abutin ng̃ ating si Teta,
silá ang katung̃ong nagmamakaawa
na huwag nang gawín iyong pagbababa
sa dating upahá't kabayaráng takda.
Datapwa, ang ganid, sa wikang matigás,
(labis pa sa bagsík ng̃ sadyang may pilak)
ay inalimura iyong mahihirap,
at saka matapos pang̃alán ng̃ tamád
ay di ibinigáy ang ukol na bayad.
—Kayó'y mg̃a hungháng, mg̃a waláng isip,
ibig pang lumampás sa puhunang kabig;
kung ayaw tumangáp ng̃ upa kong nais,
kayó ang bahala; ng̃ayón di'y umalís
at baka abutin ang akó'y magalit.
At biglang iniwan ang mg̃a kausap,
matapos masambít ang ilán pang sumbát,
(na ating natalós sa dakong itaas);
doon na nangyaring si Teta'y hinaráp
na ang katapusá'y tampál na malakás.
Siya ay iniwan na hilóhiló pa
niyong namumuhing mahinhíng dalaga,
dapwa'y nang magbalík ang diwang nágitlá'y
nag-alab ang poot at ang pinagmurá'y
ang mg̃a upaháng kapulong na una.
At saka nagbihis ng̃ lubhang madali,
sinunda't hinabol iyong mananahi,
Páhiná 55hindi na ininó ang pamimighati
ng̃ mg̃a upaháng nang̃aglulungatíng
ibigáy ang upang ukol sa nayari.
¿Iláng mg̃a lunó't matandang magulang,
iláng mg̃a anák at asawang hirang
ang hindi kakain sa gayóng inasal
niyong walang ling̃ap!? Kaya 't pinasukan
din ng̃ pagng̃ing̃itng̃it ang mg̃a upahán.
Sumadilidili, na bago makitang
dayukdók ang madlang anák at asawa
ay dapat utang̃in ang buhay na dalá
niyong walang awa't walang kaluluwang
pinalalamon na ay nanínila pa.
Yayamang wala ring mg̃a kahatulán
sukat tuntunín sa pagayóng bagay,
lubós nang tinangkang silá ang humirang
ng̃ bagay at kapit na kaparusahán
doon sa tao ng̃a'y may~asal halimaw.
Ang mahinbíng batis na binabalung̃an
ng̃ lináw na tubig na pang-patíd uhaw'y
nag-aanyong baha kapag hinalang̃an ...
¿ang puso pa kayang marunong magdamdám
ang hindi sumubó kapag hinahalay?
Kaya't sabaysabáy na wari'y iisá
nang sinundán iyong budhing palamara;
nagsabáy na lahát, na poot ang dalá ...
iiay ... ng̃ sa alab ay mang̃ahás sumugbá!!
iiay ... ng̃ madaanan ng̃ along masiglá!!
--------------------------------------------------------------------------------
Páhiná 56
XIII.
SA HARÁP AT SA LIKÓD.
Silá'y iwan nati't muling pagbalikán
ang tahanang dampa ng̃ mag-ináng hirang,
doo'y nag-iisá ang maysakít lamang
pagka't ang binata'y sandaling lumisan.
Samantala namáng siya'y nag-iisá
at nag-aantabáy sa anák na sintá,
libong panalang̃in ang sumaalala
upang magkapalad ang bunsong dalaga.
Aniya'y mangyaring ang hatíd na tahi
ay magíng mainam, doon sa may ari,
upang bayaran na, nang siya'y mádali
at huwag gabihín sa kanyáng pag-uwi.
Kaya't ng̃ mátanáw ang giliw na bunso'y
sumaligaya na ang sumikdóng puso,
ng̃uni't anóng lakí ng̃ dusang bumugso
nang makita niyang luha'y tumutulo.
Halos nápahiyaw at halos nátindíg
sa kinahihigáng sirasirang baníg,
na, sabay ang wikang—¿Anó, Teta? ¿Bakit?
¿anó ang nangyari't ikaw'y tumatang̃is?
Páhiná 57
—Iná ko! Iná ko! Tayo'y walang palad!—
ang sagót ni Teta't sabáy napayakap
sa giliw na iná—
—¿Anó't umiiyak
ka?—
—Akó'y sinuba niyong taong sukáb;
Pagka't di inamin ang haing pagsintá,
niyong walang budhí't taong palamara,
na kung kaya lamang nagpagawa palá
ay upang masunód ang masamang pita.
Ng̃uni't nang tumangí akó't di umamin
ay pinagtangkaáng akó'y gahasain,
salamat na lamang at aking napigil
sa bilís ng̃ isang tampál na maríin.
Dito inihayag niyong binibini
ang lahát ng̃ bagay na mg̃a nangyari,
dapwa'y sa gitna pa niyong pagsasabi
ay siyang pagdatíng ng̃ lilong lalaki.
Na tagláy sa loob ang paghigantihán
iyong binibining sa kanyá'y tumampál
ó kung dili kaya'y sa tulong ng̃ yaman
ay nasang bulagin ang mg̃a magulang.
Pagka't di bihira ang amá ó iná
na pagkakatanáw sa munting halagá
ay silá pang agád ang nag-áabóy na
sa puri ng̃ isáng anák na dalaga.
Dapwa'y hindi pa man halos nakapasok
sa munting pintuan ang buhóng na loob
ay biglang náhinto, nang̃iníg ang tuhod,
at munti na sanang siya'y nápaluhód.
Sapagka't nákitang sa kanyá ang titig
niyong nápatayong babaing maysakít ...
Páhiná 58yaón ang babai na kanyáng inamís!...
yaón ang babaing sa kanyá'y nanalig!...
Ang pang̃alan niya na may dong kaugnáy
kung bukhín sa labi ng̃ mg̃a upahán,
doon ay náding̃íg sa bibíg ni Atang
na may halong ng̃itng̃it at dustang paghalay.
—Ang lalaking iyan—ang sabi ni Teta—
ang sa akin iná'y ibig gumahasa,
—Taong walang budhi!—aní ng̃ matanda—
¿at nang̃ahás ka pa na dito'y magsadya?...
Di ka na nang̃iming dito'y makaratíng
na akay ng̃ iyong pagnanasang halíng?
¿di ka na pinasok niyong salagimsím
kung sino ang iyóng tinangkang gahisín?
Nang dahil sa iyo: ang bukó'y bumuká't
nang magíng bulaklák ay agád nalantá,
at saka sa ng̃ayó'y pagnanasaan pa
na iyong halayin ang nipót na bung̃a?
Ang lalong masiba't may taksíl na loob
ay hihigtán mo pa kung sa pagkabuktót;
marahil námali, sa iyo, ang Diyos, ...
ginawa kang tao'y bagay magíng hayop!...
Marami pa sanang bubukhín sa bibíg
yaong bumabakás ng̃ matindíng sulít;
ng̃uni't nápahinto sapagka't náding̃íg
ang guló sa daan; sigawa't paglait.
Sangdaang katao, humigít kumulang,
ang nagsisidatíng at naghihiyawan;
at ang bawa't isá'y may hawak na urang
na ipangbubugbóg sa kinagalitan.
¿Nasaan—anilá—iyang walang ling̃ap,
taong mapang-apí sa mg̃a mahirap?
Páhiná 59Náding̃íg ang gayón ng̃ mayamang oslák;
pinasók ang budhi ng̃ malakíng sindák.
Luming̃asling̃as na at sumulingsuling,
waring humahanap ng̃ dapat tung̃uhin,
litó na ang isip, puso'y nalalagím,
pagka't nákilalang siya'y pápatayín.
Hindi na mangyaring siya'y makatanan
pagka't nalilibíd ng̃ tao ang bahay
at bawa't sandaling ipag-alinlang̃an
ay isáng lundág pa ng̃ kasakunaan.
Kaya't nang matantong wala nang pag-asa't
saan man tumung̃o'y kamatayan niya,
nanikluhód agád sa haráp ni Ata't
huming̃ing saklolo na iligtás siya.
¡Iyon ang mayamang sa tulong ng̃ pilak
ay laging umapí sa mg̃a mahirap!
¡Iyon ang mayaman!... Ng̃ayó'y nasisindák
sa haráp ng̃ mg̃a palaging hinabág!...
Mákita ang gayón ng̃ babaing galít
na lunónglunó na ang dating mabang̃is,
panasukang awa't ang dating inibig
ay pinapagkanlóng sa sulok ng̃ silíd.
Kisápmatá lamang, at, kung di'y nag-abot
ang kinagalita't ang mg̃a may poot;
sandali na lamang at disi'y natapos
ang buhay ng̃ tao na mapangbusabos.
--------------------------------------------------------------------------------
Páhiná 60
XIV.
ANG PUSO NG̃ DUKHA.
Lubhang mapagbatá, pipi't mapagtipíd
sa lalong mabigát na mg̃a pasakit,
sadyáng masúnuri't hindi mapaglaít,
walang hinahalay, hindi mapag-usig:
sa lalong mababa'y nakikipaniig
at tungkól dálita ay kanyáng kapatíd.
Iyan ang mahirap: pusong mahabagin,
may mayamang dibdíb sa mg̃a damdamin;
hindi humahamon, ng̃uni't pag-iniríng....
sa kanyáng hayakís ay walang patalím,
walang kalakasang sukat makasupil
ni lalong matibay na di hahamakin.
Ilá'y nagsipanhík sa dukhang tahanan,
sa nasang máhuli ang lilong mayaman;
tangka nilá mandíng doon na mápatay
yaong walang pusong hindi na nagtagláy
ng̃ munti mang ling̃ap sa mg̃a daing̃an
at pakikisamo ng̃ mg̃a upahán.
Datapwa'y napigil ang sulák ng ng̃itng̃it
at ang kapoota'y nagwaring lumamíg
Páhiná 61nang mápaharáp na't kaniláng mámasid
ang mukhang maamo ng̃ ating may sakít,
na sa gitna niyóng malakíng pang̃anib
ay nag-anyóng kuta na hindi mayaníg.
—¿Anó ang layunín at dito ay hanap—
ang tanóng ni Ata sa mg̃a kaharáp.
—Aming inuusig iyang taong sukáb
nang upang patayín ...
—Mg̃a walang palad!
¿Anó't tutungkulín ang gawang umutás
niyang mg̃a kamáy na ukol sa sipag?
¿Kay lakí ba kaya ng̃ pagkakasala
at buhay kaagád ang inyóng pinita?
Kayó'y mang̃agmuni at huwag padalá
pa pusók ng̃ loob
—Magmuni'y sukat na,
at higít sa labis ang aming binatá
diyan sa kuhila't walang kaluluwa.
Nang dahil sa amin, siya'y tumatangáp
ng̃ malakíng tubo at úpang mataás,
kamí ang sa kanyá'y nagbigáy ng̃ pilak
datapwa't ang gantíng sa amin ay gawad
ay ang kulang̃an pa ang datihang usap
at sa kahulihan ay ayaw magbayad.
Ang pinagpagaláng isáng lingóng araw
ay ipinatigás na ayaw bayaran
dahil sa náhing̃ing huwag nang bawasan
ang dating palakad na pag-uupahán,
at kung mangyayari'y kaniyang dagdagán
yamang námamalas itóng kahirapan.
Samantalang gayón iyong pag-uusap
sa ibaba namán ay lubhang masulák;
Páhiná 62walang hintóng lait ang nanánambulat:
hing̃ing ipanaog yaong máninibad
upáng papagkamtín ng̃ parusang tapát
sa kanyáng inasal sa mg̃a mahirap.
—Ipanaog dito nang agadagaran!—
ang sigáw ng̃ taong nang̃asa lansang̃an;
may nang̃aghahanda na ibaóng buhay,
may nagpanukalang ibitin na lamang
at may humihing̃ing bugbugín ang hungháng
bago kaladkarín hanggáng sa mamatáy.
Sa gayóng paghing̃i na lubhang marahás
ay muling nag-init ang nasa itaas,
kaya at sa tulong ng̃ salitang tahás,
nilimot na sampung pitagang ining̃at
at dadaluhong nang dudumugi't sukat
iyong nagtatagong hindi makalabás.
Datapwa'y humadláng sa kaniláng nasa
ang dating may sakít at lunóng matanda:
—Mang̃agmuni kayó—ang maamong wika—
huwag na palulong sa biglang akala
pagka't kung masunód ang inyóng adhika
ay kayo ring tunay ang kaawaawa.
¿Hindi bagá kayó'y may mg̃a magulang,
anák at asawang pinakahihirang,
na liban sa inyó'y walang aasahang
sukat na katigin at ikabubuhay,
sa balát ng̃ lupà? ¿Anó't ititimbáng
ang gayóng karami sa isáng halimaw?
Kung inyóng masunód ang pakay at nasa
at kayó'y usigin dahil sa ginawa
¿ilán ang sa inyó'y mang̃agsisiluha?
¿ilán ang dudumog sa pagdadálitá?
Páhiná 63¿iláng anák ninyó ang mápapang̃angyaya
at mang̃ung̃ulila ng̃ lubhang mahaba?
Kayó'y pinipigil, hindi pagka't ibig
na aking itangól ang taong bulisik;
mahigít sa inyó ang aking tinipíd
nang dahil sa kanyá; kayá'y di nagtiis
ng̃ sumpa't tung̃ayaw, ng̃ pula at lait
at pag-alipustang di dapat mákamít.
Ang aba kong puso ay kanyáng dinaya,
ang aking pag-asa'y nilantá nang kusa,
ang madla kong luhog ay inalipusta,
ang linis ko't puri ay pinakadusta
at sa kabulagán ng̃ budhing kuhila'y,
sa anák ding tunay, siyang gagahasa.
¿Higít pa ba riyan ang inyóng tinangáp
na mg̃a pasakit? Ang upang katumbás
ng̃ sanglinggóng araw ¿magin kayang sukat
sa pagkakalung̃i ng̃ puring ining̃at
at pagkáhiwalay sa madlang kaanak
at pamamalagi sa dálita't hirap?...
Akó ang babaing kanyáng pinugayan
ng̃ puring malinis na minahálmahál,
at ng̃ayó'y' akó rin ang nagsasangaláng ...
bakít akó gayón? sapagka't alang̃án
sa sapát kong gantí, ang íisang buhay;
ang nasa ko'y iyóng walang katapusán.
Isáng guniguníng hindi lumilipas
kahit na magbalot sa buntón ng̃ pilak,
isáng pagkakutya sa sariling hagap,
magíng akbáy niya sa lahát ng̃ oras,
isáng wari'y hukóm na magpapahirap
saan man tumung̃o at siya'y lumagak.
Páhiná 64Ang nasa kong kamtán ay isáng higantí
na higít na lubha sa lalong malakí,
gantíng tataglayín niyong dilidili
at sa isá niya ay mang̃aníng̃aní,
at hindi na ibá ang siyang mangdiri
kung di siya na rin sa kanyáng sarili.
Ibig kong mabuhay iyang alibugha,
datapwa't sa kanyá'y ipauunawa
na itóng dalaga na kanyáng ninasa
ay anák din niya at anák kong mutya,
ng̃uni't kailan ma'y hindi mápapala
na tawaging amá ang isang kuhila.
Sa sinabing itó'y nágitlá ang lahát
at ang kalooban ay pawang naglubág,
at lalo pa mandíng silá'y nang̃agulat
nang sa kinanglung̃án ay biglang lumabás
iyong inuusig at pinaghahanap,
na luhaluhaa't paluhód ang lakad.
--------------------------------------------------------------------------------
Páhiná 65
XV.
PATAWAD.
Yaóng nahirati sa pagpapatanghál
ng̃ kaniyang poot sa mg̃a upahán,
ng̃ayó'y lunóng lunó, at walang masaysáy
yaong mg̃a labing laging nakasigáw,
liban sa pasamo't salitang marahang:
—¡Patawad anák ko! ¡Patawad na Atang!
—Ang aking patawád—tugón ng̃ may sakít—
magpakailan ma'y hindi makakamít,
sa aki'y hindi ka nagtaksíl ng̃ labis
kundi sa dugo mong itinakwil, kahit
walang kasalanan kundi magíng bihis
sa dusa ng̃ aking nádayang pag-ibig.
Mákita ang gayón, ng̃ magkakasama,
na ang hinahanap ay kaharáp nilá'y
dinaluhong agád; disi'y nasawi na,
kung hindi humadláng ang ating dalaga
at nagpumagitna sa amáng may sala
at mg̃a kawaníng may masamang pita.
—Mang̃ag-antáy kayó, huwag pagtulung̃án
ang isá kataong hindi lumalaban:
Páhiná 66ang inyóng gágawí'y hindi nábabagay
sa tungkól lalaking may kaunting dang̃ál
at lalo pa mandíng tiwali't alang̃án
sa kagaya ninyóng anák kasipagan.
Oo't may katwirang kayó'y maghigantí
sapagka't ginipít ó kaya'y inapí;
ng̃uni't kayo'y pawang may pusong lalaki,
sa bawa't ulila'y marunong kumasi,
hindi humahabág sa tungkól babai
kundi bagkús pa ng̃ang mapagbigay puri.
Sapól pagkabata ay aking dinalá
yaong sapantaha na akó'y ulila,
wala akóng tuwa liban na kay iná
at ng̃ayóng nabatíd na akó'y may amá
¿di yata't bigla ring aagawin siya
sa sabík kong puso sa kanyáng pagsintá?
Kayó'y gaya ko rin na anák-dálita,
at kauri ninyó akóng namagitna;
magíng balato man, sa aki'y maawa:
patawarin ninyó ang amá kong mutya,
¡alang alang kahit doon sa Lumikha!
¡kahit alang alang sa aking pagluha!
Siya'y magtitika't hindi na aasal
ng̃ ugaling lihís na karumaldumal;
ang bahala'y akóng sa kanyá'y aakay
sa tuwid na landás na dapat daanan
ng̃ mg̃a may puso't pagling̃ap na tunay
sa kagaya ninyóng mg̃a mang-aaráw.
Sa salitang iyon ay muling nagbalík
sa datihang anyo ang maamong tubig,
naglubág ang poot, napawi ang bang̃ís
niyong maawaing mg̃a anák pawis ...
Páhiná 67paano'y kay gandá ng̃ huming̃ing bibíg
at napakaamo ang kaniyang hibík!?
Kaya't yaóng dating nagtumuling baha
na ibig tumabon sa daanang lupa'y
muling nagíng batis, nukál ang payapa;
at saka nang̃ako ang Nang̃ang̃asiwa
na daragdagán pa sa upaháng takda
at pagbabayaran ang mg̃a nagawa.
--------------------------------------------------------------------------------
Páhiná 68
XVI.
¡¡¡PAALAM!!!
Matapos ang gayóng mg̃a sálitaa't
matapos pumayag ang mg̃a upahán,
ang wikang nápalit sa dating sigawa'y
¡Mabuhay ang sipag! ¡Si Teta'y mabuhay!
Katuwaang lahát, sa lahát ng̃ bibíg
pawang kagalakán ang nang̃asasambít,
dapwa'y nápatang̃ing may pataw sa dibdíb
ang ating si Pedro na di makaimík.
Malaon nang lubhang siya'y nároroon
at minamatyagán kung saan hahantóng
iyong salitaan, ng̃uni't ng̃ manuynóy
ang lahát ng̃ bagay ...nagtagláy lingatong.
Kaya't ng̃ mapuná, ang gayón, ni Tetay
ang hirang na sintá'y agád linapitan,
pinakáusisa, hanggáng sa tinuran,
ng̃ ating binata, yaong dináramdam.
Siya'y maralitá't ang kaniyang hirang
ay hindi na dukha, anák ng̃ mayaman,
¿di kaya masabing iyong pagmamahál
ay may halong ling̃ap sa pilak na kináng?
Yakap na magiliw at masuyong halík,
sa salitang iyon, ang siyang nápalit.....
¡Kay saráp ng̃ buhay kapag umiibig!.
------------------------------------------------
Páhiná 69
Anyá'y samantalang hindi magkapalad
na kanyáng pantayán ang maraming pilak
ng̃ ama ni Tetay ay di mang̃ang̃ahás
na mulíng bangitín ang kanyáng pagliyag.
At siya'y tutung̃o sa malayong bayan,
kung saan kikita ng̃ maraming yaman,
puhunanin kahit ang sariling buhay
ay di liling̃unín, sa laki ng̃ pakay.
Ang bawa't kaputók na pananalita,
sa dibdib ni Teta, ay nagiging iwa,
kaya't nang matapos ay di naapula
sa kaniyáng matá ang agos ng̃ luha.
—Nang akó'y hikahós—anyá—ay mapalad,
walang kalungkuta't ang puso'y panatag,
akó'y maligaya, kahit naghihirap,
at walang damdaming ikinaiiyák.
Datapwa't sa ng̃ayóng íisáng sandali
pa halos na akó'y wari may salapi,
¿agád agád na bang isáng dalamhati
ang tataglayín ko sa ubod ng̃ budhi?
Kung gayón din lamang at dahil sa aking
bagong kalagayan ikáw'y maninimdím,
ang lahát ng̃ iyo'y aking lilisanin
kung magigíng tumbás ng̃ iyong paggiliw.
—Huwag na Tetay ko, huwag ipagdamdám
kung sakasakaling akó'y lumayo man,
¿anó kung maghirap ng̃ mahabang araw
kung sa dakong hulí'y ikáw ang katimbáng?
—Kung sa dakong hulí!... at sa hulí akó!
ng̃uni't una muna ang kataasan mo!
Huwag lang maturang humigít sa iyo'y
lalasunin mo na ang boong buhay ko!
Páhiná 70
—Huwag mong damdamín; sa ngayó'y mapait
na akó'y málayo sa iyong pag-ibig,
ng̃uni't sa kabila'y libolibong tamís
ang siyáng katumbás nitóng pagtitiís.
Akó ay may puso, na kagaya mo rin,
na minámapaít ang kitá'y lisanin ...
datapwa'y hindi mo dapat na limutin
na ang marálita'y lubhang maramdamin.
Marahil, sa bawa't gamunting salita'y
ipagdurusa ko't lubós ikaaba,
¡paano'y katulong sa bawa't paghula
ang pagkakilalang ako'y marálita!?
Kaya't bayaan na ang aking pagpánaw,
paglayong marahil di maluluwatán ...
—¡¡Hindi ng̃a maluwát, ng̃uni't kaigihan
na yaríng puso ko'y magkawaraywaray!!
--------------------------------------------------------------------------------
Páhiná 71
XVII.
KATAPUSÁN.
Ang usapan palá namá'y nábabatyág
ng̃ lunóng babaing nahang̃o sa hirap;
sila'y linapita't saka siniyasat
kung anó't malungkót iyong pag-uusap.
Hindi ikinaít ng̃ ating binata
ang sanhi ng̃ kanyáng paglayong akala;
inayunan namán ng̃ ating matanda
sapagka't nataya ang tuwíd na nasa.
Sa gayóng nangyari, si Teta'y nagsulit;
—Pumapayag akó na ikáw'y umalís,
datapwa'y yayamang kitá'y iniibig
akó ay sasama, saan man sumapit,
—Iiwan mo akó!?—ang pabiglang turing
ng̃ ináng nágitlá.
—¿Kami'y lilisanin?—
ang tanóng ng̃ amá.
—Kung di ibabaling
ni Pedro ang nasa. Siya ang himukin.
Alám kong ang sanhi ng̃ kaniyang pakay
ay dahil sa akin; kaya't akó namá'y
Páhiná 72nasang makihati sa anó mang bagay
na kanyáng sapitin: mamatáy, mabuhay.
—Sukat na, sukát na, aking mg̃a anák—
ang sabi ng̃ amá sa magkasinliyag—
magmula sa ng̃ayón si Pedro'y gáganap
sa aking tungkulin.
—Amá ko, salamat.
—Sa gayóng paraa'y hindi kailang̃an
ang siya'y dumayo sa ibá pang bayan;
at kaming dalawá'y ...
—Hahati na lamang
sa ligaya ninyó—ang putol ni Atang.
...................................
...................................
Yakap na magiliw at masuyong halík,
sa salitang iyon, ang siyang nápalit....
¡Kay saráp ng̃ buhay kapag umiibig!...
¡Pag yáon ng̃ sigwá'y kay ganda ng̃ lang̃it!...
WAKAS.
Maynila, Enero, 1907.
Ginawang aklat ng̃ Disiembre ng̃ 1911
--------------------------------------------------------------------------------
End of the Project Gutenberg EBook of Ang mga Anak Dalita, by Patricio Mariano
*** END OF THIS PROJECT GUTENBERG EBOOK ANG MGA ANAK DALITA ***
***** This file should be named 18888-h.htm or 18888-h.zip *****
This and all associated files of various formats will be found in:
http://www.gutenberg.org/1/8/8/8/18888/
Produced by Tamiko I. Camacho, Pilar Somoza, and the Online
Distributed Proofreading Team at http://www.pgdp.net Handog
ng Proyektong Gutenberg ng Pilipinas para sa pagpapahalaga
ng panitikang Pilipino. (http://www.gutenberg.ph)
No comments:
Post a Comment