Monday, March 8, 2010

Juan Masili - Ang pinuno ng tulisan

Author: Patricio Mariano
Produced by Tamiko I. Camacho, Jerome Espinosa Baladad and PG
Distributed Proofreaders. Produced from page scans provided by
University of Michigan

[Transcriber's note: Tilde g in old Tagalog which is no longer used is
marked as ~g.]
[Paalala ng nagsalin: May kilay ang mga salitang "ng, mga," at iba pa
upang ipakita ang dating estilo sa pag-sulat ng Tagalog na sa ngayon ay
hindi na ginagamit.]



MAYNILA
LIBRERÍA. LUZÓNICA
Carriedo núm. 101.—Sta. Cruz.
1906.


Ang bayan ng San José at kanyáng mga nayon ng lalawigang Morong ay balot katahimikan at ang kadiliman ay naghahari sa mga lansangan, kaparangan at mga bulu-bundukin.


Waláng gumagambalà sa piping kapanglawan ng gabing nangyari ang simulá ng kasaysayang itó, liban sa tilaukan ng mga manok na nagsasabing ang sandalíng iyon ay hating gabi.

Walang anó anó, sa gitnâ ng katahimikan ay nadinig ang yabag ng isang kabayo sa may hulo ng nayong Masantol na nalalayo sa bayan ng may mga limang libong dipá.
Ang takbong matulin ng kabayo'y humina ng nalalapit na sa nayon, at ng natatanaw na ang unang bahay ay huminto at ang nakasakay ay lumunsad.

Kung pagmamalasing mabuti ang anyo ng naglalakbay na iyon sa hating gabi ay makikita, na, siya'y isang binatang lumabás pumasok sa dalawang pu't dalawang taon; ang kanyang pagmumukhang nasangag sa init ng araw ay nagpapahayag ng isang kalamigang loob na may halong katalaghayang makaaakit sa sino mang makakaharáp; datapwa't ang kaniyang magandang tindig, ang anyo niyang banayad at ang kaliwanagan ng kaniyang noo na wari'y nagsasabing hindi naugali sa pagyuko, ay nalalaban mandin sa kanyang kagayakan na binubuo ng isang mambisa at pantalong kulay abó, salakót na may palamuting gintô at pilak, botas de montar, espuelas na pilak, isang balaraw, dalawang revolver sa magkabilang baywang at isang rifle.
Nang makahinto na't maitali ang kabayo sa isang puno ay pinagduop ang dalawang kamay sa labi at ginayahang makaitló ang huni ng bahaw.

Hindi pa man halos napapawi ang tunóg ng huni'y nagbangon ang isá katao sa isang buntón ng yagít na nalalayó ng may mga dalawang pung hakbang ang agwat sa kinatatayuan ng ating binata.

—Bigyán pó ni Bathala ng magandang gabí ang aking kapitán—ang bati ng bumangon sa buntón ng yagít.

—¿Anó ang balita, kaibigang Patíng?

—Kung sa balita po'y marami, nguni't kakaunti na ang panahón; kung ibig mo pong masunód ang iyóng hangád ay kailan~gang makarating tayo ng bayan sa loob ng isang oras.

—Kung gayón ay may panahón pa akóng magpahingá ng kaunti at maisalaysay mo namán sa akin ang lahat ng namatyagán sa bahay na pinabantayán ko sa iyó. ¿Nakahandá na bang lahat nang tao?

—Opo.

—Kung gayón ay umupô muna tayo at ipagsabi mong lahát ang nalalaman.

Ang dalawá'y nagtigisang putol na kahoy at na ngagsiupo sa tabí ng isang puno ng mangáng kalapít.

-Ang una ko pong ginawâ ay ang makituloy sa kalapít bahay ni tininting Moneng at mula roon ay minatyagán ko ang mga nangyari. Nakita ko pong sa maghapong araw ay walang hintô ang paghahanda at pagyayao't dito ng m~ga dalaw at kamag-anakan ng dalagang ikakasal; nguni't ang binibini natin ay miminsang lumabas sa kaniyang silíd at ng makita ko'y may bakás na luhá ang m~ga pisngí at ang namumugtong mga matá ay nagpapahayag ng malaking kadalamhatian. Sa pamagitan ng may ari ng baháy na aking tinuluyan, na gaya ng pagkaalám mo'y aking hipag, ay pinadatíng ko sa dalaga ang sulat mo pong ipinabigay at inantabayanan ko ang sagót. May mga isang oras at kalahating nagantay, bago ko nakitang nabuksán ang bintana sa silíd at may isáng maputing kamáy na naghulog n~g kaputol na papel na aking pinulot at binasa. Ang napapalaman ay ganito: «Ikaw na wari'y nagdudulot sa maralita kong buhay ng isang maligayang lunas ay pinasasalamatan ko ng labis, nguni't ... ¡ay!... mahirap ng mangyari ang maiwasan ko pa ang hulíng sandalíng ikapupugtó ng aking pagasa. Gayón ma'y maraming salamat» Matapos kong mabasa ang sulat ay inihanda ko na ang lahat ng tao at pinagbilinan ng mga gagawing alinsunod sa utos mo.

—Mabuti kung gayón.

—Nguni't ipahintulot mo po sa akin ginoong kapitan ang isang tanóng.

—¿Anó iyon?

—¿Ano't hindi pa po natin utasín ang taong nakukulong sa ating yungib?

—¡Matandang Pating! ang buhay ng taong iyan ay mahal sa akin, ang sabing matigás ng ating binata at ang sumalíng sa kahit isá niyang buhók ay magkakamit ng kaparusaháng ikadadala sa boong buhay. ¿Nalalaman mo kung sino ang taong iyán?

—Patawarin mo po akó capitán sa aking sinabi sapagka't ang nagduyók sa akin sa pagtuturing ay ang hangad na mawalán tayo ng isang binabantayan at ikaw po namán ay maalisan ng kagambalaan.
—¿Alam mo ba matandang Patíng kung bakit ako nápalulong sa pamumuhay na itong lubhang maligalig?

—Hindi po; at wala akong nalalaman, liban sa, ikaw po'y nakisama sa amin at ng mahuli ni Villa-Abrille ang ating pámunuang si Tankád ay ikaw ang kinilalang kapitan ng lahat n~g tao.

—Kung gayo'y pakingan mo at itaním sa puso ang aking isasalaysay.

Munting huminto ang nagsasalita; at ng matapos na mahaplós ang kaniyang noo na dinalaw mandin ng isang pag-uulap ay itinuloy ang pagsasaysay.

-------------------------------------------------------------

—Ako'y anak ng isang dukha sa bayan ng X ... at ang kabataan ko'y nangabay sa maralitang tahanan, na, kahit dampá ay hindi sinisilayan kailan pa man ng kahapisan, sa pagka't ang kaligayahan nang isang tunay na pagmamahalan ni ama't ni ina'y siyang tanging naghahari sa aming kubo. Datapwa't sumapit ang isang araw, ako niyon ay may labing dalawang taon na at marunong ng bumasa at sumulat n~g kauntí, na si ama'y nagkasakit at sa dahiláng kami'y mahirap ay inutusan si ina na singilin sa isang nagnga ngalang kapitang Tiago, ang kulang sa kabayaran ng dalawang pung kabang palay. Si ina'y umalís sa amin ng magtatakipsilim at tumungo sa bahay ng mayamang sisingilin, nguni't nakatugtog na ang ánimas ay hindi pa dumárating kaya't sa kainipán ni amá'y pinasalunuan sa akin. ¡Oh! ng ako'y papanaog na sa aming bahay ay siyáng pagdating ni iná, na humahagulgol at ang pananamít ay halos gulagulanit. Aywan ko kung anó ang nangyari, nguni't ng dumating ay napaluhód sa harapan ni tatay na kasabáy ang sigaw na: «Ayokong pumayag, ayoko, datapwa't pinagtulungan ako ng panginoon at dalawang alilang lalaki; ako'y inahiga ni kapitang Tiago at ... ayoko; ayoko.» Si ina'y ay ulól ng umuwi. Sa lakí ng kasawiang dinanas ay hindi nakatagal at natimbwang na walang diwa sa sahig ng aming bahay. Nang makita ang gayón ni amá at maunawa ang nangyari ay nagbangon sa pagkakahiga at tinalon halos ang aming hagdanan, na dalá ang isang iták. ¿Anó ang nangyari? Aywan ko; dátapwa't ng kinabukasan ay wala na akong iná at si amá ay nabibilango, dahil sa kasalanang pangloloob. ¿Saan akó tutun~go sa gulang kong labing dalawang taón at papano ang pagpapalibing sa aking iná? Ako'y lumapit sa lahát ng aming kakilala at ipinanghingi ng limós ang kahalagahan na ipagpapalibing sa bangkáy ng aking magulang, dátapwa't ng ako'y pauwi na sa amin ay násalubong ko ang taong siningil ni iná at ako'y ipinahuli sa dalawang civil na kasama, sapagkat ako'y anak ng mangloloob. Dinala ako sa cuartél at ipinasok ako sa calaboso; at doo'y aking nakita na si amá'y halos naghihingalo na lamang at ang katawá'y tadtad ng latay. ¡Gayón daw ang pahirap sa mga magnanakaw!

Isang buntóng hiningang malalim ng binata ang pumadlang sa pagsasalaysay at isang nakatanang luha ang namalisbis sa kaniyang pisngi, at ang mukha niyang aliwalas at laging malumanay ay dinalaw ng isang kabangisan. Napatitig sandali sa langit, nguni't ang titig na iyon ay isang pagsisi mandin doon sa na sasa kataasan na siyang inaakalang nakakapamahala sa kalupaan. Ang titig ng isang Lucifer ang tumapon sa mga mata ng isang may mukhang banayad.

—¡Magnanakaw si ama! ¡Ang taong maniningil, ng puri't kaligayahang nawalá'y mangloloob! ¡Ay anak ko! ang tanging nasambit ng aking kaawaawang magulang ng ako'y matanaw na umiiyak sa kaniyang piling. Ako'y napayakap sa katawan ni tatay na pigta sa dugo at nawalan ng diwa. Isang malakás na palo ng yantok ang nagpabalik sa budhi kong tumanan. ¿Ilang sandali akong hindi nagkamalay tao? Aywan ko, nguni't ng aking imulat ang mga mata ay nakita kong ang bangkay ni amá ay na sa isang munting papag at pasan ng apat kataong maglilibing; susundán ko sana, dátapwa't ang sakít n~g aking mga buto'y hindi nagpahintulot sa gayón, kaya't ako'y naiwan sa calaboso, na, bukod sa salanta ang katawán ay isang araw ng sinkád na hindi kumakain. Isang gabí pa akong nakatulog doon sa kalait lait na kulungang kinamatayán ni amá. Nang kinabukasan ay pinalabás akó sa tulong ng ilang paló pa, kaya't sa pamagitan ng muntíng lakás na nalalabí sa akin katawan ay naginót akong makaratíng sa aming bahay na inabot kong bukás at wala ang bangkáy ni iná. ¿Sino ang nagpalibing? Sa aking kamusmusán ay wala akong naisip liban sa akalang baká dinalá n~g asuang ang bankay, sapagka't dito sa atin ay karaniwan ang paniwalá sa gayón, lalong lalo na sa mga kabataan dahil sa mga na didingig sa matatandá. Wala ng luhang tumutulò sa aking mga matá, sampu niyang mapait na yaman ng ating paningin na wari'y nagpapaginhawa ng kaunti kung dumaloy ay nagkait na sa aking kapighatian, sapagka't sa dalawang araw na itinangis ay natuyo na mandin, ¡Gaano ang sising bumukal sa aking bibíg, sa dahiláng ako'y hindi pa malakí! ¡Higantí at higantí ang sumusulak sa aking dibdib! Higantí sa mayamang gumagá sa aming pagaari at humalay sa puri ni iná; higantí sa mga justiciang hindí nagtangol sa nilupigan, kundi bagkús nagpahirap sa naapí. Nang ako'y aalis na sa aming bahay ay siyang pagdating ng isang taong nagsalita sa akin n~g ganitó:
—¿Ikaw ba amáng ang anák ni máng Mundó?
—Opó.

—Nabatid kong lahát ang nangyari sa inyóng magaanak at natantó ko rin na ikaw ay ulila ng lubos. Akó ang naglibíng sa bankay ng iyóng iná.

—¡Oh salamat pó.—ang wika kong kasabay ang pagkakaluhód sa harapan ng taong iyón.
—Ikaw ay waláng kamaganakan dito, sapagka't ang mga magulang mo'y tagá San José sa Morong ¿ibig mo bang sumama sa anák ko sa Maynila upang mag-aral doon? Ikáw ay hindi ko ibibilang na alila, kundi pinakakasama lamang ng aking anák; ikáw may magaarál din.

Sa lakí ng utang na loob ko sa taong iyón ay hindi ako nakasagót, ng ayaw kahit lubos na nálalaban sa loob ko ang maging utusán.

Pinasalamatan ko ang himok na iyon at ako'y sumama.

Ma-nga iláng araw lamang ang nakaraan, at, iyóng batang patáy gutom, iyóng ulilang walang kamag-anak ay naging isang nagaaral sa San Juan de Letran at kasakasama kahit saan pumaroon ng isang kapwá batang anák ng matandáng maawaín. Hindí alilang utusán ang kanyang lagáy kundi isáng anák dín ng nagaampon at kapatid n~g kaniyang anák.
Nagdaan ang pitóng taón, at sa panahóng iyón mandín ay naparam sa alaala ko ang aking karukhaan at ang kahapishapis na kinahinatnan niyong mga sawing palad kong magulang at nákatulog warí sa loob ng aking batang puso iyong higantíng halos sinunpaan ko sa sarili.

Dátapwa't dumating ang isang araw na kaming dalawang nagaaral ay naanyayahang dumaló sa isang piging sa daang Dulumbayan sa Maynila at doon ay dumaló rin ang isang kasama namin sa Colegio na kaakbáy ang kaniyang amá, na, mula ng dumatíng ay waring pumasok sa loob kong ang pagmumukháng iyón ay aking naaalala. Inanyayahan kaming kumain at sa paguupuan sa dulang ay nápasiping sa akin ang matanda. Iláng salitaan ang nábuksan at sa isang paguusap n~g ukol sa mga bayánbayán ay napasalingít ang pagkakakílala na kami'y magkababayan.
—Iyan man po'y kababayan din natin—ang turing ng anák ng nagampon sa akin at itinuro akó sa matanda.

—¿Ito?—ang tanóng na wari'y may muntíng pagkakamangha ng kinausap at ako'y pinagmasdan—tila n~ga naaalala ko ang mukhang itó ¿nagaaral din bang kasama ninyó?

—Opo ang tugón ng aking kasama—iyán po ang anák ni máng Pitong at ni aling Mensia.

—¡Pitong, Mensia!—anáng—matanda na wari'y hinahalungkat sa kaniyang pagiisíp ang gayóng m~ga pangalan—¡Ah! naalala ko na, kung gayón ay itó ang anak ng nagnasang mangloob sa akin.

Nang madin-gig ang sabing iyon ay nalitó akó, ang lahat ng dugo ko mandin ay sumulák sa aking mukha at ang noo ko'y nagalab.

Sa isang kisáp matá halos ay tuminbuang ang matanda sa tabí ng dulang dahil sa sugat na gawa ng sundang na kagamitán sa pagkain. Ang sumunod na bumulagta sa isá pang saksák ay ang anák na nagnasang magsangalang sa amá.
Pagkatapos niyón, ako'y nagtatakbó na hindi alám kun saan tutungo, at daig ko pa ang ulol.

Ako'y hindi nahuli at nakarating akó sa Novaliches ng gabí ring yaón. Nang kinámakalawahán ay isá na akó sa inyó at magmula niyón ay ...
—Nagbago ang palakad—ang putol ni Patíng—magmula niyon ay dumalang na ang panghaharang sa mga daanan, nguni't lumimit ang paghahati ng mga salapíng nágagahís sa pangloloob. Magmula noo'y bayan ang tirahan ng lahát, ang bundók ay nagíng isáng tagpuan ng m~ga magkakasama at ang yungíb na dating tahanan ng mga pinaguusíg ng civil ay naging tahanan ng m~ga binibining binibihag, na matapos maalagaang wari'y mga princesa ay pinauuwing hindi man pinakikinabangan n~g sino man sa atin at wala mang tubós. Itóng ating inaabatan ngayon na ilang sandali na lamang at ikakasal, ay babantayan na namán marahil at pagkatapos ay ibabalik na muli sa kaniyang magulang ng ... walang anó man.
—Ang gayon ay hindi dapat ipagdamdam ng isá man sa inyo, sapagka't kahit hindi ko hinihin~gan ng tubós ang mga binibining binibihag ay hindi namán nawawala ang inyong kahati sa pagpapagod.
—Oo, nga po; nguni't ang dinaramdam naming lahat ay ang hindi mo man lamang pinakikinabangan ang m~ga bihag na iyán, dahil sa kung makaraan ang dalawang araw sa pagkakapiit at matanong mo kung may isá man lamang na lumapastan~gan, umaglahi ó nagkulang sa balang násabi ay pakakawalan mo na't pababalikin sa kaniyang bahay na may kaakbáy pang magsasangaláng sa paglakad hangang sa makaratíng sa kanila. Kung gayón ay ¿bakit pa nagbabayó at nagsasaing kung hindi din lamang kakanin?

-¡Ah ...matanda kong Patíng! ¿Nalalaman mo bagá kung bakit ako nangbibihag ng m~ga binibining anák ng mayayaman? Upang malasap ng m~ga mayayamang iyán ang pait ng magdamdam ng dahil sa kapurihán. Lahat ng makaalam n~g pagkabihag sa isáng binibini'y magsasapantaha na hindi na dapat asahang mauuwi na taglay ang linis na dating kipkip, kahit tunay na alám mong kung sakali't may dalagang nagluwat ng apat na araw sa ating yungib ay hindi dahil sa ating pinipiit ó dahil sa ikinahihiya niya ang mabalik sa sariling tahanan, sapagka't wala na ang kaniyang kalinisan, kundi dahil sa talagang nasa lamang ng may katawan ang lumagi pa ng isang araw sa ating tahanan.

—¡Oh! hindi mo lamang po batid kapitan ang sanhi ng ipinagkakagayón. Tunay at sila'y ating iginagalang at waláng makapan~gahás na umaglahi man lamang dahil sa pangingilag sa inyó, nguni't ang gayón ay ¿makapipigil kaya na ikaw ay ibigin ng dalagang nabihagan ng puso? at itó ang sanhi n~g kanilang hindi pagbalik na kusa sa sariling tahanan; at kung hindi dahil sa ngalang pagirog ¿mangyayari pa kayáng tayo'y makatahán sa yungib na iyón sa karamihan n~g dalagang nakaaalam, sa dahiláng hindi naman natin tinatakpan ang mga mata kung pauwiin? ¿At anó ang sanhi ng pagkaalam natin n~g m~ga nangyayari sa bayanbayan sa pamagitan ng mga Ichay, Marcela, Juana, Ción at ibá pa? Hindi mo lamang alám ginoong capitán na ang mga binibining ating pinawawalan ay piit din kahit na mábalik sa kanilang tahanan. Itóng sasalakayin natin ngayon ay ¿isá rin kayang titinagin at pagkatapos ay pauuwiin?
—Hindi. Itóng sa ngayón ay hindi bibihagin kundi ililigtás sa mga kamay ng ganid na magulang na pinipilit ang anák na pakasal sa hindi iniirog, ng dahil lamang sa paglingap sa yaman ng magiging manugang.
—¿Ay ano po ang mayroon sa atin sakaling mangyari man ang gayón?
—Wala nga kung sa bagay, nguni't ibig kong ipabatid sa mga masasakím na iyán na kung siláng mga tulisáng bayan ay may kalakasang makapawi ng isang damdaming tinataglay sa puso ng isang umiibig ay may tulisáng bundók namáng may lalo pang lakás upang makapagsangalang sa m~ga naaapi't nalulúpigan. Ang binatáng magbibigtí sana kung hindi natin nátagpuan, at nákukulong ngayon sa ating yungíb ay siyang iniibig ng binibining ating aagawin.

—¡Ah!...

—¿Alám mo kung sino ang bagongtaong iyón at kung bakit iniwasan ko ang ako'y kaniyang mákilala? Iyón ang dati kong kasamahan sa pagaaral; iyón ang anák n~g maawaing nagampón sa akin.

—¡Oh!

—Ngayo'y kapanahunang dapat kong bayaran sa kaniya ang malakí kong utang na loob.
—Kapitan—ang bigláng putol ng matanda na napatingin sa dakong Silangan—tila oras na, sapagka't ang talang bakero ay nakasipót na sa Silanganan at ang ating mga kasama marahil ay nan-gagaantay.

—Tunay.
Nang masabi ang gayon ay nagtindíg ang dalawá sa pagkakaupo at nan~gagsilakad na tinungo ang bayan.

-----------------------------------------------------------------

Wala pang ika apat ng magmamadaling araw.
Sa bahay ni tininting Moneng ay malakí ang kaguluhan; ang mga bataan ay hindi halos magkamayaw sa pagmamadalian, sa pagaayos, dahil sa ng araw na iyón ikakasal ang anák na dalaga ng mayamang matanda at ang magiging asawa kahit kasingulang ng amá ay siya namáng pinaka pangulo sa yaman sa bayang iyón. ¿Papanong hindi malakí ang handa at marami ang magsisidaló?
Nguni't sa gitna ng kaguluhang iyón, ang tanging tahimik ay ang silíd na kinalalagyan ng dalagang ikakasal.

¿Nalutulog pa kaya?
Itó ang ating alamin.
Sa silid ay walang tao kundi si Benita lamang at siya'y nakaluhód sa harap ng isáng larawan ng Iná ng Dios, at doo'y nanálanging kasabay ang isang timpíng panaghóy.
Makaraan ang sandali ay nagtindig at tinanaw ang isang orasang na sa tapát ng pintuan.
—¡Sandali na lamang!—aniyá at nalugmók sa isáng uupán—Sandali na lamang at ang mapaít na taning ay matutupád na. ¡Ay iná ko! Kung ikáw ay buháy ay hindi ko disin sasapitin ang magkáganito na mápapakasal sa isang taong kinasusuklaman.
Masabi ang gayón ay lumapit sa isang mesa na kinapapatungan n~g isang botellítang may lamán, isang tintero, pluma at papel.
Umupo sa piling n~g dulang at itinitik sa kaharap na papel ang ganitong talata:
«Huwag ninyong sisihin ang sino man ng dahil sa aking pagkamatay, sa pagka't waláng may kagagawán kundi akong mag-isá lamang
«Hindi ko maamín ang mápakasal sa taong kinasusuklaman.
«¡Ay Enrique!
«Sa kabilang buhay na kitá mag-isáng puso. «Benita».

Matapos maisulat ang gayón ay sinungabán ng nanginginig niyang kamáy ang botellítang may lason.

Nguni't ng nasasabibig na ang labi ng botella ay may nadingig na kaluskos sa nakalapat na durungawan at ito'y nabuksán upang makaraan ang katawan ng isang binata.
—¡Oh!—aní Benita at waring tatakbó ngunit natigilan, at sa pagkagulat ay nawalán ng diwa.
Sandali na lamang sana't natupad ng binibini ang nasang pagpapatiwakal.

—Lalong mabuti—ang wika sa sarili ng pangahas na pumasok sa durungawan, na dili iba't ang binatang tinawag na kapitán ni matandáng Patíng.—Lalong mabuti ang ganitó at waláng sagabal sa pagdadalá.
Nang matapos na masulatan ang kaputol na papel na iniwan sa ibabaw ng altar ay kinandóng ang katawán ng nábulagtang dalaga at inilabás sa durungawan.
Iwan natin siya na dalá ang mayamang pasán at ang ipatuloy ay ang pagsasalaysay ng nangyayari sa kabahayán.

-----------------------------------------------------------------------

Tumugtog ang ika apat at kalahati at ang mga gawain ay lalong nag úlol sapagka't nagdatingan na ang novio at ilang panaohin.
Isa't isa'y nagaalay ng maligayang bati sa matandáng mapalad na magaari sa kagandahan ni Benita.
Si matandáng Moneng ay hindi magkasiya sa katuwaan; at ng masalubong ang mga hulíng dumating ay lumapit sa pinto ng silíd at tumugtóg dahil oras na ng pagbibihis ng ikakasal.
Kinatóg ang pintuan, nguni't waláng sumagot; kinatóg na muli at gayón din.
—Baka po nákakatulog pa.—aní kapitang Ape, na dili iba't siyang magiging asawa.
—Inyó pong tawagan—ang payo naman ng isá.
—¡Benita! ¡Benita!—anáng amá na kasabay ang katóg.
Wala ring tumútugon sa loob.
—¡Benita! ang halos sigáw ni tininting Moneng na may munti ng galit dahil sa baka uulitin na namán ng kaniyang anák ang pagpapahayag ng hindi pagsang-ayon sa kasalang iyón.
Wala ng oras na ipagaantay, sapagka't magliliwanág na at ang pari marahil ay nakahanda na rin.
—¡Benita!—ang sigáw n~g amáng nagagalit at bigláng itinulak ang pintong nakalapat.
Nasira ang cerradura at ang dalawáng dahon ng pinto ay nábukas.
Ang lahát ay nagitlá, nguni't ang pagkamangha ay nagtalo ng matanaw na waláng tao ang silíd.
Lahat ay patakbóng pumasok sa pook na iyon dátapwa't walang natagpuan kundi isang botellitang may tatak na arsênico at ang dalawang sulat na kilalá na n~g bumabasa ang lamán ng isá, sapagka't siyang sinulat ni Benita bago nagtankang magpakamatay, at ang isá namán ay ganito ang nasusulat:
«Sa lakás ng pilak ay mayroon pang dumádaig; ang lakás ng lakás.==Juan Masili».
—¡Juan Masili! Ang hari ng mga tulisán—ang bulóng na bumukal sa lahat ng bibíg.
Marahil ay nan~gapahinto ng malaon ang mga nároon kundi siyang pakadin~gig ng isang sigawang galing sa daan.

—¡Sunog! ¡sunog!—anáng mga taong na sa lansangan.

Nagkaguló at nagpanakbuhan ang lahat, dátapwa't isang alilang humahaman~gos at halos wala ng hinin~gá, dahil sa pagtakbó, ang lalong nagpalala ng gitlá.
—Kapitang Ape, kapitang Ape—ang sigáw ng bagong dating—ang bahay mo po'y nilooban n~g tulisán pagkaalis mo at pagkatapos ay sinunog; ang pinaka pangulo po ng nangloob na nakakabayó ay may kandóng na isang babaying diwa'y dalagang ikakasal dahil sa kagayakan.
Si tininting Moneng ay nalugmók sa isang uupan at si kapitang Ape ay kumutkot ng takbó na patungo sa kaniyang bahay. Wala siyang dinatnan kundi ang pagkabatid ng katunayan ng kaniyang kasawian at wala siyang nátanaw kundi ang pagaalab na ng may kalahati ng dati niyang magandáng tahanan.
—Umakyát kayó—ang sigáw n~g matanda sa mga taong nan~gagsisitakbó—umakyat kayó at maraming salapi sa cajón ng aparador.
Nguni't ¿sino ang mangangahas na pumasok sa isang bahay na ang kalahati ay nagaalab? kaya't ng waláng makin~gíg ay siya ang pumasok.
Sandali lamang at nakita sa kabahayan, ng mga nasa daan, ang anino n~g pumasok, at pagkatapos ay isang ¡oh! ang bumukal sa lahat ng bibíg.
Siyang pagbagsák ng bahay na nagdidin~gas.
---------------------------------------------------------------

Nang kinabukasan ay nakita sa buntón ng abó ang katawáng tupók ng mayamang kapitán.

Nang kinabukasang iyón ay dapat sanang siya'y sumásaligaya, kung matatawag na kaligayahan din ang magpasasa sa kagandahan ng isang babaying napilit lamang.
¡Kay daling humalay ng kapalaran at kay daling magbago ng kulay ng isang pag-asa!

----------------------------------------------------------
Nguni't ¿saan napatungo si Benita?
Itó ang alamín natin.
—Lalong mabuti—ang wika ng binatang tulisan ng mákita na ang dalaga'y nawalán ng diwa, at masabi ang gayo'y kinandong at inilabás sa bintana.
Apat na lalaking kasama ni Patíng ang sumaló sa pangahás na kapitan at matapos na makasakay sa kabayo ay sinapupo ang binibini.
—Ngayon Patíng—ang wika n~g kapitan sa kaniyang matandáng kabig—ay dapat mo nang sundín ang pangalawang bahagi ng aking mga utos at nasa kong tanglawan ng isang sulóng malaki ang aking pagdadaanang lansangan sa pagdadalá nitong mayamang pasanin.
Ang salitaang ito'y nangyari sa dakong likuran ng bahay ni tininting Moneng ng kasalukuyang nagdadatingan ang man~ga unang daló na kasabay ang noviong si matandang Ape. Matapos ang salitá nang binata ay pinalakad na ang mga kausap; siya'y lumiko sa isang daán na patungo sa bahay ng kapitáng ikakasal, na, sapupo ang babaying walang malay-tao at nang nálalapit na sa tinurang bahay ay nag-utos sa mga taong nakita roon, na pawa niyang kampon.
—Kunin ninyo ang lahát ng madadalá—ang wika niya—at aantabayanan ko ang paglalagabláb nang sulóng tatanglaw sa aking lalakaran, sapagka't diwa'y tinamád ngayón sa pagsikat ang araw.
Sa utos na ito'y nan~gag galawan ang may dalawang pung lalaki na pawang sandatahan, na nan~gakahanay sa dalawang panig ng daan at nagsitungo sa bahay ni kapitang Ape, na sa mga sandalíng iyón ay násabahay ni Moneng na kaniyang bibiyinanin.
Makaraan ang sandali'y nan~gakapasok ang ilán sa bahay na lolooban, at nagsimula ang pagkakagulo, sapagka't ang mga alilang nabiglaanan sa gayón ay walang ibáng ginawa liban sa tumakas; nguni't hindi nan~gakalayo ang mga nagulat na utusan, sa dahiláng sila'y nádakip ng mga na sa labás nang bahay, kaya't nagíng saksí siláng lahát sa pag-uutos ng binatang nan~gan~gabayo na pagpapadingas ng bahay, nang makitang ang mga nagsipasok ay lumabás na may dalang tigiisang balutan.
Pumasok ang isang naiwan sa labás at mayamaya'y nagsilakad ng lahát ang magkakasama sapagka't sa kadilimang hindi pa hinahawi ng kaliwanagan ng sisikat na araw ay namukod ang puláng ibinugá ng nag-aalab na bahay.
Ang sigawan ng ¡tulisán! at ¡sunog! ay nádin~gig halos sa lahat ng pook ng bayan at ang mga justicia ay lumipana sa paghabol, sa may dakong luwasan, sa mga tulisang nagtungo sa hulo.
Alam na nating ang isá sa mga alila ang nagbalita kay kapitang Ape sa nangyaring loob at alám din natin ang kinasapitan ng matandang ikakasal sana, kaya't ang sundan natin ay ang pangulo nang tulisan na nan~gan~gabayo't dalá si Benita.
—Ngayon di'y dapat magsitungong lahat sa yungib at doon ko kayó aantabayanan upang magawa ang lahát ng kailangan—ang wika ng binata sa mga tulisan ng sila'y malayólayo na sa bayan—Matandang Patíng umangkas ka kung ibig mo, sapagka't kailangan kung dumating kang aking kasabáy sa kinalalagyán ng binatang binábantayan.
—Magpatakbo ka na po kahit hindi ako kaankás at pamumuntután kitá—ang wika ni Patíng ng maiabót sa isang kasama ang kaniyang dalá.
—Kung gayo'y halina—anang binata at pinatakbó ang sinasakyang kabayo na wari'y hindi nagiindáng kapagalan sa bigát na dalá.
----------------------------------------------------------------------

Ang yungib ng bundók San Mateo ay tahimik at waláng gumagambalá sa kaniyang kapanglawan liban sa ang lagaslás ng mga sangá at dahon ng kakáhuyan na pinagagalaw ng simuy na malumanay ng hangin sa paguumagá. Sino mang málalapít sa pook na iyón ay magsasabing walá isá mang táo, nguni't kung mamataan ang isáng sulok ng yun~gib ay makikita na may isáng nakapan~galunkót.
Waláng anó anó'y bigláng tumindig ang bantáy at waring may pinakingán.
—Naritó na silá—ang sabi sa sarili ng taong nagiisá sa kasukalang iyón na waláng ibang dumadalaw liban sa m~ga hayop ng kagubatan.
Hindi pa man halos natatapos ang kaniyang pagsasalitá ay siyang pagdatíng ng nan~gan~gabayo.
—Wala pong anó man—ang wika ng dinatnán.
—Tulungan mo akó—anáng binata—at iniabót ang magandá niyang dalahin na hindi pa pinagsasaulan ng hininga—ating ilagáy sa dati kong tinutulugán.
Ang dalawa'y pumasok sa loob ng yungib at ng napapaloob na nang mahigit sa dalawang pung dipá sa pintuan ay pinisíl n~g binata ang isáng ungós ng bató.
Nakadin~gig n~g lagitík na wari'y gawa n~g isáng bagay na mabigát at bigláng nabuksan ang malapad na batóng hindi mákikita ng sino mang hindi nakatataho ng lihim na iyón.
Pumasok ang magkatuwang at inilapág ng marahan ang dalaga sa isáng hihigan.

—¿Ang iyong binabantayan?—ang tanóng sa kasama ng pinuno ng tulisán.
—Nakakatulog pa po sapagka't gabí na ng magpahingá, sa dahilang wari'y malakí ang hangad na huwag na siyang umagahing buháy.

—Ipinainóm mo ang ibinigáy ko sa iyong tubig?
—Hindi po, dahil sa hindi kumain.

—Kung gayón ay magbalík ka na sa iyóng pagbabantay sa pinto at bayaan mo akong mag-isá; patuluyín mo agad si Patíng
Ang pangalang sinambít ay naging wari isang tawag sapagka't siyang pagdating n~g matandang tulisán, kaya't ang inuutusan ay bumalik na lamang sa pinto ng yungib.
—Mabuti nga't dumating ka; ating tingnán ang dating bilango.
—Malaon na pong hindi pinagsasaulan ito—ang wika ni Patíng ng makita si Benita.
—Bayaan mo't hindi iyán mágigising hangang hindi ko ibig: pinaamoy ko n~g pangpatulog.
Masabi ang gayón ay tinungo niláng dalawá ang sungki ng isáng bató at pumasok sa isáng puang na hindi mahahalata ng isáng hindi bihasa sa pook na iyón. Nang makapasok na't makapan~gabila sa bató ay naglagay ng takip sa mukha ang ating binata.
Ang pinasukan ay isang pook na nakukulong ng bató at ang tanging nilulusutan ng han~gin ay isáng butas sa bubungán na may limáng dipá ang taas. Isáng tinghóy na nakasabit ng mataas ang tanging tumatanglaw sa pook na iyón na kinalalagyan ng isang bagong taong bigláng nagulat at nágising dahil sa kaluskos ng mga nagsipasok.
—Wala kayóng mga damdaming lalaki—ang wika ng dinatnan, na wari'y may talagang malaking kagalitan sa mga kaharap.
—Masasabi mo ang ibig sabihin at hindi ka namin papatulan; alám mong sa gaya naming may pamumuhay ng ganito ay walang kabuluhan ang buhay; ikáw ay isang kaawaawang nagnanasang magpatiwakal ¿at dahil sa anó?
—Sa dahiláng hindi kailangang matanto ng ibá—anáng napipiit.
—Hindi nga kailan~gang matanto ng ibá, dátapwa't alám ko ang sanhi, at dahil doo'y humadlang akó sa hangad mong pagpapakamatáy. Ang wika mo'y wala akong damdamin; námamali ka.
—g mayroon kang damdamin ¿anó't di mo payagang bigyán kong hangán yaring pagkataong naubusan na ng pag-asa? ¿Anó ang masakit sa iyo kung ako'y mamatay ó mabuhay?

—¿Naubusan ka ng pagasa? Alam ko, na dahil sa pagkamatáy ng iyong amá ay nagisá ka na sa mundó at lubos kang naghirap sapagka't ang taong pinagkatiwalaan ng magulang mo upang pasapitin sa iyong kamay ang kayamanang pamana ay nagtaksil, at ninakaw ang salapíng dapat sanang ibigáy sa iyó; hindi lamang iyón; sumapit ang isang panahón na ikaw ay nápalulong sa pagirog at ang iyóng inibig ay tinankang agawin ng ...
—Hindi lamang tinanká—anáng bagong-taong kausap—kundi sa mga sandaling ito'y nilalasap na marahil ng matandáng mayaman sa kandun~gan ng aking giliw, ang tamís ng kaligayahan. ¡Oh, kay hirap n~g mahirap! Ikaw marahil ay inupahan ng taksíl na umagaw sa aking pagirog upang sumalansang sa aking hangad at n~g maragdagan pa ang talagáng kapaitan n~g pagkabatid na naglilo sa kaniyang pangako ang babaying pinaglaanan ng boong buhay. Ngayón ay inaantáy kong ibalita mo sa akin kung naganáp na ang kasal ni Benita kay kapitáng Ape.
Ang pinuno ng tulisán ay napan~giti sa salitáng iyón n~g kaharáp.

—Hindi ka ba nananan~gan sa Dios?

—Waláng Dios ang mahirap—ang tugón ng may nasang magpatiwakal.
—¿Hindi ka na umaasa sa pagibig ng iyong sintá?
—¿May pagibig bagang maaasahan sa katawang waláng puso?
—¿Hindi ka naniniwalang may kabihisang langit ang naghihirap?
—Hindi, sapagka't ang langit ay bukás lamang sa mga may pilak.
—¡Taong walang panalig! Sumunod ka sa akin at ng matantó mong ikaw ay nagkamali sa lahát ng iyóng hinaka.
—Sukat na—ang tugón ng bilango—kung papayagan mong ako'y magpatiwakal ay susunod akó sa iyó, nguni't kung hindi, ay bayaan mo na akong magpakamatay dito sa gutom.
—Siya, ikaw ang bahala—anáng pinuno ng tulisan—kung ibig mo ang magpakamatay ay gawin mo, nguni't sumama ka sa akin.
—Kung gayón ay oo.—ang sagót nang bilango at tumindig sa kinauupan.
Kinalág ni Pating ang tanikalang nakapipigil sa binata at ito'y sumunód sa pinuno ng tulisán na tumungo sa kinalalagyan ni Benita.

—Ibig mo ang magbigtí—anyá sa bagong kawalá—ngayo'y tinutulutan na kitá, nguni't sa tabí ng babaying iyan ka dapat magpakamatáy sapagka't siya man ay nagnasa ring magpatiwakal ng dahil sa iyó.

Ang binata'y nápaluhod sa piling ng dalaga't biglang nápasigaw nang:
—¡Benita! ¡Aking irog! ¡Oh, patáy!—anyá ng mákitang hindi kumikilos.

—Hindi—anang tulisán—natutulog lamang.
Masabi ang gayón ay winiligán n~g kaunting tubig ang mukha ng dalaga at itó nama'y nágising.
—¿Saan ako naroroon?—aniya.
—¡Itang!—anang binata.
—¡Enrique!—ani Benita n~g makilala ang kaharap—¡Aking buhay!
—¡Aking irog!
Ang dalawang dibdib na naghirap ay nan~gagpahingalay sa isang mahigpit na yakap.
—Hindi ka ba nagpatiwakal?—ang tanong ni Benita sa kaniyang giliw.

Hindi ka ba nápakasal?—anang binata.

—Hindi—ang sagot n~g tulisán—sapagka't humadlang ako, upang sumapit ang sandaling itó, na ikagaganti ko sa isang malaking utang. Ako ang sumulat kay Benita, ako ang nagpapadalá sa iyó Enrique ng salaping hindi mo matalós kung saan nangagaling niyóng ikaw ay nasasalát, ako ang sumalansang sa pagpapatiwakál mo, akó ang numakaw kay Benita bago sumapit ang oras na pag-inóm niyá ng lason, at sa isang sabi, ako ang nagnakaw n~g kayamanan ni kapitang Ape.

—At sino ang makagagawa ng gayón?—ang halos panaba'y na tanóng ng dalawa.

—Si Juan Masili—anang tulisán at inalis ang takip ng mukha.

—¡Si Pedro!—ang wika ni Enrique.

—Oo nga: akó ang Pedro mong kaibigan at kapatid na inampón ng iyong magulang niyong magisá na sa mundó, nguni't sa bundók ay ako ang Juan Masili.
Nang kinabukasan ay tumangap si tinintíng Moneng ng isang lihim na pabalita na ang kaniyang anak na dalaga ay na sa Colegio ng Concordia at doon mangagaling bago ikasal kay Enrique Manapát na siyang tunay na iniibig.

-----------------------------------------------------------------

Nakaraan ang dalawang buwan.

Ang panahong ito'y ginugol ng mga civil sa paghanap sa «Hari ng mga tulisán»; nguni't ng walang mangyari sa kanilang paghabol ay humuli na lamang ng apat na taong bukid at siyang pinaratangan na nangloob kay kapitáng Ape. Ilang cruz del mérito militar ang naging pinakagantí sa pagkakahuling iyón.

Dátapuwa't ang sundán natin ay si tinintíng Moneng na ng araw na iyón ay lumuwas sa Maynila.
¿Anó ang dahilán ng gayón?
Kung ating unawain ang lihim na kagalakáng nalalarawan sa mukha n~g ating matanda na nagbago na ng asal mula ng araw na hindi natuloy ang kasal ng kaniyang anák na si Benita kay kapitáng Ape, ay makikilala natin na ang kasayahang iyón ay galing sa pagkabatid na ang bugtóng na bunso ay ikakasal kinabukasan sa tunay na iniibig.
Nang kinabukasan ng pagdating ni tinintí sa Maynila ay ikinasal si Benita at si Enrique sa Simbahan ng Kiapo.

------------------------------------------------------------------

Ang naganák sa mga ikinasal ay isang nagngangalang Pedro Gatmaitan; nguni't kung pagwawariin ang kaniyang mukha ay mákikilala na siya'y kamukha ng binatang kausap ni matandáng Patíng niyong madaling araw na nasunog ang bahay ni kapitáng Ape.
Sa bayan ay Pedro Gatmaitan at sa bundók ay Juan Masili na pangulo ng mga tulisán.

Ang taong ito'y nabubuhay pa ng taóng 1892, dátapuwa't ng magkaguló sa Kabite ay hindi na nádin~gíg ang kaniyang pan~galan.

 
End of the Project Gutenberg EBook of Juan Masili o Ang pinuno ng tulisan


by Patricio Mariano
*** END OF THIS PROJECT GUTENBERG EBOOK JUAN MASILI O ANG PINUNO NG ***

Produced by Tamiko I. Camacho, Jerome Espinosa Baladad and PG
Distributed Proofreaders. Produced from page scans provided by
University of Michigan

3 comments:

  1. Sana ay maisalin ito sa mas simpleng Tagalog na wala iyong mga characters. Gusto kong tapusin ngunit nakakasakit ng ulo ang mga characters.

    Pero sana ang mga libro natin sa eskwela ay maglaman ng mga ganitong kwento.

    ReplyDelete
  2. sa susunod na mga araw ay sisikapin ko na palitan ang mga lumang Tagalog character para maging tugma sa bagong Wikang Pilipino ang kuwentong ito.

    ReplyDelete
  3. Salamat, jibrael.

    Linawin ko lang--yung mga salita mismo ay wag mong ibahin. Maganda yung lalim ng wikang Tagalog ay mabasa ng mga kabataan ngayon para patuloy itong mabuhay.

    Yung characters lang talaga ang tanggalin mo, kung maari.

    ReplyDelete